Buntis inabutan ng panganganak sa MMDA vacination facility

MANILA, Philippines – Sa mismong vaccination facility ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Headquarters inabutan ng panganganak ang isang babae kung saan ang mga miyembro ng vaccination team ang nagpaanak dito kahapon ng hapon sa Makati City.

Ayon sa MMDA, alas-5:27 ng hapon nang dumating ang isang tricycle driver sa nasabing pasilidad at humingi ng tulong dahil nakararanas na ng matinding sakit ang kanyang 26-taon gulang na asawang buntis kung saan nagpapahiwatig na malapit na itong manganak.

Agad na tumugon ang vaccination team ng MMDA at mabilis silang naghanda ng isang makeshift delivery table habang naghihintay sila ng ambulansya. Pagkalipas ng 14 minuto, nanganak ang babae ng isang malusog na batang babae sa pamamagitan ng normal na panganganak kung saan pareho silang nasa maayos na kondisyon.

Pagdating ng ambulansiya ay agad dinala sa pinakamalapit na pagamutan ang mag-ina para sa karagdagang pagbibigay na medikal na atensiyon.

Ayon sa tricycle driver na ama ng bagong silang na sanggol, nagpunta umano sila sa Lying-in Clinic malapit sa Guadalupe Church ngunit tinanggihan dahil hindi umano ito nag-ooperate. Dahil dito, nagtungo ang mag-asawa sa kalapit na Guadalupe Nuevo barangay hall ngunit sinabihan sila na maghintay, kaya’t nagpasya silang humingi ng tulong sa MMDA.

Pinuri naman ni MMDA Chairman Benhur Abalos ang nasabing vaccination team na tumulong sa mag-asawa, at binibigyang diin kung gaano sila kahalaga bilang mga medical frontliner.

“I commend the members of our vaccination team who responded to the appeal of this couple to help them and went beyond their call of duty,” ani Atty. Abalos.

“In these trying times, we are very much grateful for all the work done by our frontliners and vaccination team. They don’t just vaccinate but they are also ready and willing to help those who need immediate medical attention. I appreciate all your hard work and sacrifices. You are indeed the true heroes in this pandemic,” dagdag pa nito. JAY Reyes


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento