Manila, Philippines – Muling iginiit ni Senator Bong Go na hindi siya interesado sa pagtakbong pangulo ng bansa sa darating na halalan sa Mayo 22 sa pagsasabing si Davao City Mayor Sara Duterte ang susuportahan niya kung sasabak ito sa presidential race.
“My position has not changed. I am still not interested in running for President. And as I have said before, if Mayor Sara runs, I will support her,” ang pagdidiin ni Senator Go.
Ginawa ni Go ang pahayag matapos lumutang ang posibilidad na siya ang gawing ka-tandem ni Pangulong Duterte na kakandidato namang vice-president.
Kamakailan ay inanunsyo ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles , executive vice president ng PDP-Laban, na pumayag na si Pangulong Durete sa alok ng partido na tumakbong bise-presidente sa darating na halalan.
Ang paksyon ng PDP-Laban sa pinamumunuan ni Energy Secretary Alfonso Cusi ay ninomina si Bong Go para maging “manok” ng partido sa pampanguluhang karera sa 2022.
“Umpisa pa lang, sinabi ko na kung ano ang magiging desisyon ng mga Duterte ay suportado ko ito. Sa ngayon, antayin na lang natin ang kanilang pinal na desisyon,” ayon kay Go.
“I leave my fate to God, to the Dutertes—kung anuman ang desisyon nila Pangulong Duterte at Mayor Sara pagdating sa pulitika —and to the Filipino people dahil sila po ang nagbigay sa akin ng pagkakataon na makapaglingkod sa kapwa at marating kung saan man po ako nandirito ngayon. Hindi ko sasayangin ito,” idinagdag ng senador.
Nakiusap ang senador na pagdating aniya sa usaping eleksyon ay ihuli na lamang siya dahil hindi umano talaga siya interesado na tumakbong Pangulo.
“Lahat ng problema sinasalo ng Pangulo. Nararanasan ito ni Pangulong Duterte ngayon at nakikita ko ang hirap na pinagdadaanan niya,” anang senador.
Sinabi ni Go na mas gugustuhin niya sa ngayon na magtrabaho at magserbisyo sa tahimik na paraan na may resulta para sa kapakanan ng mga Pilipino.
“As chair of the Senate Committee on Health, patuloy akong naka-focus na tulungan ang gobyerno at ang ating mamamayan na malampasan ang pandemya sa mas lalong madaling panahon. Bakuna muna bago pulitika. Maraming salamat po,” idiniin ni Go.
Sa isa namang pahayag, sinabi ni Pangulong Duterte na aatras siya sa pagtakbo kung magdedesisyon ang kanyang anak na si Sara sa pagtakbong Pangulo. RNT
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento