Accountant pinagsasaksak sa ilalim ng tulay

MANILA, Philippines – Patay ang usang accountant matapos na pagsasaksakin siya ng isang hindi nakilalang lalaki sa ilalim ng tulay kagabi sa lungsod ng Quezon.

Kinilala ang biktima na  si Katleen Tan Mabalot, 33 anyos, walang asawa, accountant, residente ng  700 Purok 1, Area 5, Brgy. Old Balara, Q.C.

Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 7:20 ng gabi (August 17), nang maganap ang insidente sa Commonwealth Avenue, malapit sa Villa Beatriz footbridge, Brgy. Old Balara, sa lungsod.

Sa imbestigasyon ni PCpl Mark Darwin Contado ng CIDU, namataan umano ng isang nakilalang Ruscky, driver ng pampasaherong jeep na nagpapambuno ang biktima at suspek na may taas na 5 feet at nakasuot ng kulay pulang  jersey at shorts.

Nang magsisigaw ang babae at humihingi ng saklolo ay pinagsasaksak ng suspek ang biktima bago nagtatakbong papatakas.

Naisugod pa sa Malvar hospital ang biktima subalit binawian din ito ng buhay bandang alas-8:10 ng gabi, ayon kay Dr. Reiginald Rosas sanhi ng tinamong tatlong malalalim na saksak sa katawan.

Patuloy na inaalam ng kapulisan ang motibo sa nangyaring krimen. Jan Sinocruz


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento