96% target population ng Taguig, bakunado na ng 1st dose

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Taguig na bakunado na ng unang dose ang halos 96 porsiyento ng target population ng lungsod.

Sa pahayag ng lokal na pamahalan ng Taguig, nakapagtala ang lungsod noong Agosto 21 ng 586,430 indibidwal na nabakunahan ng unang dose o katumbas ng 95.97 porsiyento ng kanilang bagong eligible target population na 611,086 na base naman sa projected population ng Department of Health (DOH) para sa lungsod sa taong kasalukuyan.

Binago ng lokal na pamahalaan ang kanilang target population sa 611,086 mula sa orihinal na 680,000 o mas mababa ng 68,914 indibidwal dahil base sa Population Projections ng DOH sa bawat rehiyon, probinsya, lungsod/munisipalidad at barangay mula 2020-2025 na inilabas noong nakaraang taon na 2020, ang Taguig ay mayroong estimated total population na 872,983 para sa kasalukuyang taong 2021.

Bukod sa mga nakatanggap ng unang dose ng bakuna ay mayroon ring 280,838 indibidwal ang ngayon ay mga fully vaccinated na o nakatanggap na rin ng kanilang ikalawang dose ng bakuna sa lungsod o katumbas ng 45.95 porsiyento ng kanilang bagong target population.

Samantala, sumunod na rin ang Taguig sa aksyon ng ibang local government units (LGUs) sa Metro Manila na tumanggap ng nais magpabakuna na hindi residente ng lungsod kung saan nakatakdang magbukas ng vaccination site para sa mga ito sa darating na Miyerkules, Agosto 25.

“Kapag natapos po tayo ng November, bubuksan natin lahat ng mega hubs natin sa buong NCR at Pilipinas para makatulong tayo sa buong bayan,” ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano.

Sa COVID-19 update ng Taguig noong Agosto 21 ay nakapagtala ang lungsod ng 1,387 aktibong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) kabilang ang 218 na naiulat na bagong kaso sa kabuuang 33,635 kumpirmadong kaso ng virus habang 31,951 pasyente ang naka-recover at 297 naman ang mga namatay. James I. Catapusan


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento