Manila, Philippines – Bumaba ang bilang ng mga nabakunahan kontra COVID-19 nitong nagdaang linggo sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa bunsod ng mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ) sa ilang lalawigan.
Tinatayang 475,304 kada araw lamang ang nabakunahan ng COVID-19 vaccine mula Agosto 9 hanggang 15 kumpara sa 516,601 bilang ng nabakunahan na noong Agosto 2 hanggang 8.
Sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na ang dahilan ng pagbagal ng pagbabakuna nitong mga nakaraang linggo ay ang pagka abala ng mga lokal na pamahalaan sa pamimigay ng serbisyong medikal sa mga nagpopositibo sa COVID-19 gayundin ang pagtugon sa kanilang mga pangangailangan sa pamamagitan ng pamimigay ng ayuda.
Patunay dito ang ilang testimonya ng mga alkalde mula sa mga lalawigang apektado ng lockdowns.
Sinabi ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na pansamantalang isinara ang isa sa pitong vaccination sites sa lalawigan kahapon dahil sa mga health worker na nagpositibo sa COVID-19.
“Nagbawas kami ng team, kasi mayroon tayong mga healthworkers na nagpositive at naging close contacts. Nabawasan ng 20 personnel ang health department…That’s minus 700 (individuals vaccinated) per day. Kasi ‘di ba ang isang site natin, minimum niyan 600 eh. Noon ngang may walk-in, 1,000 ‘yan,” aniya.
Sa Marikina City, ibinaba sa 10,000 indibidwal ang target ng lokal na pamahalaan na mabakunahan ng unang dose hanggang sa Miyerkules mula sa 15,000 na target noong nakaraang linggo.
Mula sa mga pangalang nakatala sa kanilang online registration, 20,000 na lamang ang mga indibidwal na hindi pa nababakunahan.
“Naroon na kami sa saturation point… Medyo nauubos na ‘yung mga dapat bakunahan. Lampas na kami sa 70%, sa herd immunity (for first dose vaccination). Ngayon ang natitira na lang namin doon sa eligible population baka mga 15% eh. Doon sa eligible population, ‘yung iba naman hindi rin makapagpabakuna dahil may comorbidities din na ikino-consider sila,” Paliwanag ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro.
“‘Yung mga walang access sa online registration, sila naman ngayon ‘yung pupuntahan, tututukan at magko-concentrate tayo doon. Magpapatulong sa mga barangay, sa mga association of senior citizens, establishments na narito sa Marikina na may daytime population, not necessarily residente,” dagdag pa niya.
Samantala, sa Las Piñas, mula sa dating target na 5,000 indibidwal ay itinaas na sa 8,000 ang bilang ng mga indibidwal na target na bakunahan sa kabila ng ipinapatupad na lockdown sa Metro Manila.
Gayunpaman, sinabi ng City Health Office na limitado lamang ang kanilang suplay ng bakuna kontra COVID-19.
“Ang naging limiting namin ngayong ECQ is ‘yung supply namin ng regular vaccines, ‘yung hindi refrigerated. We have 10 sites. ‘Yung community sites natin, they’re usually using Sinovac, Astrazeneca. Marami tayong Moderna, Pfizer, but these are vaccines na ma-administer lang namin doon sa special sites. Hindi siya pwedeng i-bakuna doon sa community na mainit,” ayon kay Las Piñas City Health Office Technical Officer Dr. Juliana Gonzalez.
Sa kabilang banda, halos 35,000 dose naman ng bakuna ang ipinamimigay sa Maynila kada araw, batay sa Manila Health Department.
“Hindi naman kami bumababa ng 35,000 (doses) in a day, which is our average. Medyo some people nga lang, because of the certain brand na ibinibigay namin, medyo nagiging choosy. Talagang naghihintay pa rin sila ng ibigay sa kanila,” pahayag ni MHD Chief Dr. Arnold Pangan.
“Itong Sinovac na ibinigay sa amin na 232,000. ‘Yung kalahati itinabi na. ‘Yung kalahati mauubos na rin ito siguro until tomorrow. ‘Yung AstraZeneca namin na for second dose na 19,000 plus, iro-rollout na rin namin as first dose,” pagpapatuloy niya.
Pumalo na sa 28.3 milyon ang mga naiturok na bakuna sa Pilipinas mula sa mahigit 42,5 milyong suplay ng COVID-19 vaccines na dumating sa bansa. Tinatayang mahigit 12.7 milyon na ang kumpleto sa bakuna habang 15.5 milyon naman ang nakatanggap na ng unang dose.
Mayroon pang karagdagang apat na milyong dose ng Sinovac ang inaasahang dumating sa bansa ngayong linggo, isang milyong dose naman ng Sinopharm ang darating din na parehong mula sa bansang China. Humigit kumulang kalahating milyong dose ng Moderna at mahigit kalahating milyong AstraZeneca na binili ng pamahalaan at pribadong sektor ang inaasahang darating din sa bansa batay sa pahayag ni Galvez. -RNT/Ethel Mangao -trainee
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento