Mga Pinoy positibong makapaglalakbay sa Pinas bago matapos ang taon – Agoda survey

MANILA – Ninanais ng mga Pilipino na makapaglakbay sa loob ng bansa ngayong taon, ayon sa isang survey.

Batay sa “Next Steps to Travel” survey ng Agoda, pito sa kada 10 Pilipino ang nagnanais na makapaglakbay sa loob ng bansa bago matapos ang taon at isa sa kada limang indibidwal ang umaasang mangyari ito nang walang kasamang restriksyon.

Halos kalahati sa mga sumagot sa survey o 47% nito ang nagsabi na maaaring muling ituloy ang domestoc tourism ngunit may nakaantabay na mga tuntunin, 16% ang nagsabi na hindi itutuloy ang paglalakbay nila hanggang mabakunahan ang mas marami pang bilang ng mga Pilipino; 20% sa mga sumagot nito ay mula sa henerasyong Gen-Z.

Pagdating naman sa mga paglalakbay sa ibang bansa, isa lamang mula sa 10 Pilipino ang umaasang posibleng makapaglakbay nang walang restriksyon bago matapos ang taon, habang tatlo sa kada sampung Pilipino naman ang naniniwalang kaya nilang makapaglakbay sa kabila ng mga limitasyong ipinatutupad.

Ayon pa sa survey, 48% ng mga Pilipino ang nagnanais na makasama ang kanilang pamilya sa paglalakbay ngunit 1 sa 5 Pilipino naman ang nais maglakbay kasama ang kanilang pamilya.

Karamihan naman sa mga Gen-Z ang nagnanais na makapaglakbay mag-isa mula sa 14% resulta para sa solo travelers.

Samantala, 4% lamang ang may nais na maglakbay kasama ang kanilang extended na pamilya.

“After a year or so of lockdowns there is optimism that domestic travel will be restriction-free before the year’s end,” pahayag ni Agoda vice president for partner services in Southeast Asia, Enric Casals.

Ang ilan pang resulta ng survey ay nasa sumusunod na listahan:

  • Naniniwala ang 22% ng mga Pilipino sa Mindanao na hindi magkakaroon ng domestic travel kahit na kailan, kumpara sa market average na 17%.

  • Isa sa bawat dalawang tagatugon mula sa Luzon ang nagsasabi na kaya nilang makapaglakbay sa bansa sa katapusan ng taon nang may kaakibat na mga restriksyon at 28% para sa mga byaheng pang-international na may kasamang restriksyon.

  • Nasa 44% ang nagnanais na maglakbay sa susunod na apat na buwan; 26% ang nagpaplanong pumunta sa unang buwan; at 8% ang determinadong makapaglakbay na kaagad.

  • Karamihan sa mga millennials ang nagnanais na maglakbay kasama ang kanilang pamilya (56%).

  • Mas marami ang mga kababaihan na nagnanais makapaglakbay kasama ang kanilang mga kaibigan (23%) kaysa mga kalalakihan (15%). -RNT/Ethel Mangao -trainee


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento