Onyok may pahabol na insentibo sa Chooks

MANILA, Philippines – Hindi pa huli para maipadama kay 1996 Summer Olympics silver medalist Mansueto “Onyok” Velasco Jr. ang kahalagahan ng karangalan naibigay sa bayan.

Nagbalik-gunita ang lahat, maging ang kabiguan ng pamahalaan at pribadong sektor na maibigay ang mga pangakong insentibo sa Olympian boxers matapos ang matagumpay na kampanya ng Team Philippines sa katatapos na Tokyo Games.

“Nung matapos kong manalo ng silver sa Atlanta Olympics, yung hindi natupad yung sa congress na 2.5-million pati yung sa Philippine Navy na scholarship ng dalawang anak ko. Yung bahay nandiyan na pero yung titulo wala pa. Nagpangako rin ng 10,000 monthly na lifetime pero isang taon lang binigay sa akin,” pahayag ng 47-anyos na pambato ng Bago, Negros Occidental.

Ang kaganapan ay kumurot sa puso ni Chooks-to-Go president Ronald Mascariñas.

Nitong Biyernes, personal na ipinagkaloob ni Mascariñas kay Velasco ang simpleng regalo ng imbitahan ang boxing icon sa opisina ng Chooks sa Ortigas.

Sariling Chooks-to-Go store na matatagpuan sa Litex Road, Quezon City malapit sa tahanan ng ni Onyok sa Violago Homes, Parkwood Hills Subdivision ang kaloob ng sportsman/businessman.

“Natutuwa akong makita ang buhos ng parangal at gantimpala mula sa pamahalaan at lalo na sa pribadong sektor sa mga atletang nagbigay ng karangalan sa bansa nitong nakaarang Olympics. Ngunit may isang matagal ng pangakong tila nakalimutan na and we’d like to be part of the solution first before we join the celebration of our heroes in the Tokyo Olympics,” ani Mascariñas.

 “We’re giving one Chooks-to-Go store to Onyok because as a Filipino we owe it to him for bringing honor to our country. We are also giving him an additional P100,000 so that he can have his long-delayed honeymoon in Boracay with his wife May,” aniya.

“Pinapunta ako dito ni Sir Ronald dito at dalhin ko raw yung medal ko. Hindi ko alam kung bakit e. Yun pala eto yung surprise sa akin. Kala ko nga nanalo din ako sa Tokyo Olympics e na may nagbigay sa akin ng Chooks-to-Go,” sambit ni Velasco. “Talagang store ng Chooks-to-Go talaga. Hanap-buhay talaga na hindi lang ako makikinabang kung hindi pati pamilya ko at mga anak ko na ma-secure sila dahil sa binigay sa akin.”

Bukod kay Onyok, nauna nang nabigyan ng sariling Chooks-to-Go store sina 1990 Asian Games silver medalist Benjie Paras, two-time FIBA Asia Cup silver medalist Gabe Norwood, five-time Southeast Asian Games gold medalist Kiefer Ravena, at University of the Philippines great Paul Desiderio.

Ayon, kay Onyok, huli man, tunay na napagaling at biyaya sa kanyang pamilya ang regalo ng Chooks-to-Go.

“Boss Ronald, talagang hulog ka po ng langit sa akin at sa buong pamilya ko dahil binigyan niyo po ako ng kabuhayan. Sana marami pa kayong matulungan na tulad ko,” aniya.Rico Navarro


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento