3 siklista, tricycle, van inararo ng truck

LAGUNA—Bumangga ang isang truck sa Calamba, Laguna sa tatlong nakabisekleta, isang tricycle, at isang van matapos umanong mawalan ng preno base sa dahilan ng drayber nito.

Batay sa ulat ng reporter ng GMA News nitong Huwebes, nakuhanan umano ng CCTV sa Barangay San Juan ang tatlong biker na nakahinto sa intersection.

Sa hindi katagalan, inararo na sila ng isang truck mula sa kanilang likuran na nahagip din ang isang tricycle at isang van.

Sa kabutihang palad, agad na nakaiwas ang isang biker kaya naman hindi siya nasagasaan ng truck.

Agarang rumesponde ang awtoridad at tinulungan ang mga biktima na nagtamo ng sugat sa paa at katawan.

Hindi umano kumbinsido ang Public Order and Safety Office member Jeff Rodriguez sa dahilan ng truck driver na nawalan umano ito ng preno dahil napag-alamang tumigil ito nang parahin ng isang traffic enforcer.

Samantala, sinagot naman ng may-ari ng truck ang gastusin sa mga nasira at pagpapagamot sa mga nasaktan. RNT/Riza Guarin-trainee


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento