Manila, Philippines – Hinikayat ng Department of Health (DOH) ang publiko na huwag mag-hoard ng oxygen tanks sa bahay.
“Nananawagan ako sa ating mga kababayan na huwag kayong mag-hoard ng mga oxygen, unless meron kayong prescription ng mga doktor. Hayaan niyo po ‘yung mga tangke umikot, hindi pwedeng nakaistasyon sa bahay ninyo ang mga tangke. Kailangan po may sirkulasyon ang mga tangke na tuloy-tuloy,” lahad ni DOH Secretary Francisco Duque III.
“Ang sinasabi nila nung huli kaming nag-usap kung 203 tons of oxygen per day ang nagagamit, kaya nilang triplehin o kaya nilang gawing 605 tonnage per day ang isu-supply nila.”
“’Yung oxygen meron, pero baka sa tangke magka-problema. Kailangang dagdagan ang mga tangke at sabi sa akin mga 20,000 hanggang 30,000 tangke ang aangkatin. ‘Yan ang ating napagkasunduan,” dagdag pa nito.
Iniulat ng gobyerno na pinag-aaralan pa nila kung paani ire-regulate ang pagbebenta ng oxygen tanks sa paghahanda sa paglobo ng COVID sa bansa.
“Sinabihan ko na ang aking regional directors na bantayan na hindi magkakaganun. Ganun din sa mga ospital kinakailangang patuloy ang kanilang use-refill-use, ganun dapat.” RNT/FGDC
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento