MANILA – Balik na sa 85% ang mga umaarangkadang pampublikong transportasyon sa kabila ng pandemya, ayon sa pahayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Huwebes.
Ayon kay LTFRB chairperson Martin Delgra III, muling nagbukas ang anim na ruta para sa mga UV Express na sasakyan at sakop nito ang 255 na units.
“As regards [the routes], we already have the capacity of 85% of the public transport in Metro Manila and all across the country,” sinabi ni Delgra sa Laging Handa briefing.
Ayon pa kay Delgra, inaasahan ng LTFRB ang pagpapatuloy sa assistance program para sa mga drayber na apektado ng mga restriksyong ipinapatupad bunsod ng pandemyang dulot ng COVID-19.
Hinihintay pa rin nila ang nakalaang tatlong bilyong pisong pondo para sa Service Contracting Program o Libreng Sakay na magmumula sa Department of Budget Management (DBM).
Sa ilalim ng programang ito, aarkilahan ang mga drayber upang magmaneho ng mga pampublikong transportasyon para sa Libreng Sakay ng pamahalaan upang matulungan sila sa kinakaharap na mababang kita sa pamamasada.
Sinabi ni Delgra na maaari nilang itago ang kanilang kita at bilang karagdagan, pati ang subsidiyang manggagaling sa programa.
Nagsimula ang programang ito sa buwan ng Oktubre noong nakaraang taon at natapos naman noong Hunyo 30 ngayong taon sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act na siyang nagpopondo para dito. -RNT/Ethel Mangao -trainee
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento