MANILA, Philippines—Bistado ang isang pulis sa isinagawang follow-up operation matapos umanong tumawag sa isang drug suspect na kaka-aresto pa lamang ng Mandaluyong police para hingin ang pera nitong kinita sa ilegal na gawain.
Batay sa ulat, nakilala ang kalabosong pulis na si Police Staff Sergeant Manuel Bien na nakatalaga sa Police Security and Protection Group sa Camp Crame.
Bago naaresto si Bien, nagsagawa ang kapulisan ng anti-illegal drug operation upang madakip ang isang drug suspect.
Ayon kay Police Colonel Gauvin Unos na Hepe ng Mandaluyong Police, habang dinadala nila ang drug suspect sa presinto ay may bigla umanong tumawag dito at hinihingi ang kinita sa bentahan ng droga.
Agad-agad na nagsagawa ng follow-up operation ang kapulisan at hindi umano nila inaasahang kabaro nila ang kanilang maaaresto.
Base sa pagsusuri, nadiskubre sa record ni Bien na may intelligence report na ito noong 2009 sa pagkakasangkot nito sa ilegal na droga.
Maaari umanong hindi sapat ang mga ebidensya noon kaya hindi nakasuhan si Bien kaya ngayon ay patong-patong na kaso ang kahaharapin nito.
Nagbigay na ng utos si PNP Chief General Guillermo Eleazar na simulan na ang summary dismissal proceedings laban kay Bien.
Samantala, utos niya rin sa director ng Criminal Investigation and Detection Group na si Major General Albert Ignatius Ferro na palitan, disarmahan at isailalim sa restrictive custody ang lahat ng tauhan ng Quezon City Field Unit habang gumugulong pa ang imbestigasyon. RNT/Riza Guarin-trainee
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento