2-day relief ops isinagawa ni Bong Go sa Agusan del Sur

MANILA, Philippines – Nagsagawa ang tanggapan ni Senator Christopher “Bong” Go ng dalawang araw na aktibidad na pagtulong sa mga mahihirap na komunidad sa Esperanza, Prosperidad, Sibagat, at Bayugan City sa Agusan del Sur noong Abril 19 hanggang 20.

Nagbigay ng tulong ang outreach staff ni Go, tulad ng mga kamiseta, mask, bitamina, at meryenda sa 400 mahihirap na residente sa kani-kanilang municipal gymnasium ng Esperanza, Prosperidad, at Sibagat, at ang Office of Senior Citizen Affairs sa Bayugan City. Namigay din sila ng mga cap, sapatos, cellular phone, at bola para sa basketball at volleyball.

Upang higit na makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, isang pangkat mula sa Department of Social Welfare and Development ang nagbigay naman ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation.

“Hangad ng pamahalaan ang makapagbigay ng ligtas at komportableng buhay para sa bawat Pilipino. Palagi kaming handang magserbisyo sa inyo lalo na sa panahon na pinaka-nangangailangan kayo ng tulong,” pagtitiyak ni Go sa kanyang video message.

Pinaalalahanan ni Go, chair ng Senate Committee on Health and Demography, ang publiko na manatiling sumusunod sa basic health protocols at unahin ang kanilang kapakanan, bukod sa iba pa.

Binanggit niya na ang Democrito O. Plaza Memorial Hospital sa Prosperidad ay nagtataglay ng Malasakit Center kung saan ang mga indibidwal na may problema sa kalusugan ay maaaring humingi ng tulong mula sa gobyerno sa kanilang gastusin sa ospital. Ang Malasakit Centers Act ay pangunahing iniakda at itinataguyod ni Go sa Senado.

“Nung unang panahon, marami sa mga kababayan natin ang kailangang lumabas ng ospital at pumila sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para humingi ng tulong. Ubos na panahon nila, ubos pa ang pera nila sa pamasahe,” ani Go.

”Ngayon, hindi na nila kailangang gawin ‘yan. Kung may billing kayo sa ospital, puntahan niyo lang ang Malasakit Center at tutulungan kayo nito,” dagdag ng mambabatas

Binigyang-diin din ng senador na ang mga kinakailangang pondo ay inilaan para sa pagtatayo ng mga Super Health Center sa Esperanza, Bayugan, Sibagat, Santa Josefa, at Trento.

Ang iba pang malalaking proyektong kanyang sinuportahan ay ang pagtatayo ng bagong pampublikong pamilihan at katayan sa Bunawan, pagpapaunlad ng Sibagat public park, pagkuha ng mga ambulansya para sa mga lokal na pamahalaan ng La Paz at San Luis, at pagkuha ng mga dump truck para sa mga lokal na pamahalaan ng San Francisco at San Luis.

Noong Abril 18, tinulungan ng pangkat ni Go ang mga nahihirapang residente sa mga bayan ng Santa Josefa at Trento. RNT



2-day relief ops isinagawa ni Bong Go sa Agusan del Sur
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento