83 maritime schools sa Pinas pinasusuri ni PBBM

SINABI ni Commission on Higher Education chairman Prospero de Vera III na inatasan sila ni Pangulong Ferdinand Marcos na tapusin ang reevaluation ng 83 maritime schools sa bansa sa loob ng dalawang taon.

Sinabi ni De Vera na committed ang CHED na muling suriin ang maritime schools para i-check ang kanilang pagsunod sa pamantayan bunsod na rin ng patuloy na pagkilala ng European Union (EU) sa sertipiko na ipinalabas para sa mga seafarers ng Pilipinas.

Sinabi pa nito, target ng CHED na i-evaluate ang 30 maritime schools kada taon, subalit nais naman ni Pangulong Marcos na itaas ang bilang upang paikliin ang evaluation period.

“Ang timetable na ating ipinangako sa kanila ay makakapag-evaluate tayo ng 30 schools per year. Medyo mabigat na ‘yan…pero ang sabi ng Pangulo, baka pwedeng dagdagan ang ating ma-evaluate na ‘yung 30 ay baka pwedeng 40 per year,” ani de Vera.

“Imbis na tatlong taon ‘yung aabutin, baka dalawang taon, pwedeng gawin. ‘Yan ang utos ng Pangulo, na ‘yung ipinangako nating timetable baka pwedeng ma-complete natin nang mas maaga,” dagdag na pahayag nito.

Tinuran pa ni De Vera na itinigil ang 15 maritime programs noong nakaraang taon dahil sa pagiging non-compliant sa standards.

Nauna rito, nagpahayag naman ng kahandaan ang CHED na makipag-ugnayan sa maritime schools at sa Maritime Industry Authority (MARINA) para ipatupad ang reporma na ipinanukala ng EU upang tiyakin na ang Filipino seafarers ay patuloy na makapagtatrabaho sa foreign vessels.

Nagbabala naman ang EU na maaaring ma-ban ang mga Filipino maritime workers mula sa kanilang vessels matapos na muling mabigo ang Pilipinas na mapagtagumpayan ang European Maritime Safety Agency’s (EMSA) evaluation sa nakalipas na 16 na taon. Kris Jose



83 maritime schools sa Pinas pinasusuri ni PBBM
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento