6 tulak arestado sa Kabite, Laguna

CAMP VICENTE LIM, LAGUNA- Anim na indibidwal ang inaresto kabilang ang high value target at drug den maintainer na hinihinalang tulak ng droga na aabot sa humigit-kumulang P3 milyon sa isinagawang magkasunod na buy-bust operation ng pinagsanib na elemento ng PNP at PDEA sa magkahiwalay na lugar sa Laguna at Cavite.

Kinilala ang tatlong suspek na nadakip sa Santa Rosa -Tagaytay Road ng Barangay Don Jose Santa Rosa City, Laguna na sina Rommel Dela Cruz alyas Mokong , 52, fire fighter volunteer, Romeo Acido, 49, taxi driver at Guillermo Dela Cruz, 52, mekaniko.

Base sa report ng PDEA4A nadakip ang tatlong suspek gayundin ang high value drug personality na si Rommel Dela Cruz matapos na magpanggap na poseur buyer ang isang undercover agent mula sa Anti-Narcotic Operatives kung saan ang transaksyon ay naganap kagabi sa isang parking area ng ng fast food restaurant sa Santa Rosa -Tagaytay Road Barangay Don Jose, Santa Rosa City, Laguna.

Narekober sa mga suspek ang humigit-kumulang 500 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P3,450,000 milyon gayundin ang buy-bust marked money.

Samantalang tatlo din ang nadakip kabilang ang drug den maintainer ng pinagsanib na pwersa ng Bacoor City Police Station at PDEA Cavite sa isinagawang buy-bust operation kagabi, kung saan natuklasan ang isang drug den sa Barangay Talaba 1, Bacoor City .

Kinilala ang tatlong suspek na sina Alfredo Adlawan, 75, hinihinalang drug den maintainer, Allan Adlawan, 47, at Donna May Tarrayo, 30, na pawang residente ng Barangay Talaba 1 sa lungsod ng Bacoor, Cavite.

Nakumpiska sa mga ito ang tinatayang nasa 10 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P69,000 at iba’t ibang klase ng drug paraphernalia.

Nahaharap ang anim na suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. Ellen Apostol



6 tulak arestado sa Kabite, Laguna
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento