CHINA BULLY IN DENIAL

Mapagkunwari ang China, sa ilalim ni Xi Jinping, sa usapin ng pandaigdigang diplomasya. Noong nakaraang linggo, sa pahayag ni Xi sa 10-kasaping Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit, tiniyak niyang hindi magagawa ng Beijing na gipitin ang maliliit nitong kalapit-bansa sa rehiyon kaugnay ng agawan sa teritoryo, partikular na sa South China Sea.
Tinawag ni dating Supreme Court associate justice Antonio Carpio ang sinabing ito ni Xi bilang “double-peak” o iba ang sinasabi sa ginagawa. Pasintabi pero diretsahan ko nang sasabihin na nagsisinungaling ang Presidente ng China. Gayundin ang bagong ambassador ni Xi sa Washington na si Qi Gang, na nagsabing walang intensyon ang China na suwayin ang pandaigdigang sistema.
Ano ang tawag sa nangyari nitong Nobyembre 16 nang harangin ng mga barko ng Chinese Coast Guard, gamit ang water cannons, ang maliit na bangka ng mga Pilipinong sibilyan na maghahatid sana ng supplies at iba pang gamit sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, na nasasaklawan ng exclusive economic zone ng Pilipinas?
Kung hindi pa dumagsa ang mga pagpuna at pagkondena mula sa ibang bansa, hindi marahil mapipilitang mangako ang China na hindi na makikialam sa resupply mission. Sa kabila nito, ang ikalawang resupply mission ng mga bangka ng parehong grupo ng mga sibilyan ay tinakot ng Chinese Coast Guard nang magpadala ito ng maliit na rubber boat na may tatlong pasahero para kuhanan ng video ang delivery.
Hindi ba pruweba ng pambu-bully ang mga ito? At hindi lang Pilipinas ang dumanas ng parehong insidente. Hindi ba’t bullying din ang ginawa ng Chinese Coast Guard nang pigilan nito ang Vietnam sa pagkuha ng petrolyo at gas sa EEZ nito? Ganito rin ang kuwento ng panggigipit ng Coast Guard ng China sa Malaysian oil at gas companies na nagsagawa ng drilling sa sarili nitong EEZ.
Ginawa itong lahat ng China, na dati na ring sinabotahe ang katulad na exploration ng Pilipinas nang tinakot ng Chinese Coast Guard ang Philippine commission ship habang nasa Reed Bank.
Paulit-ulit ang pagsisinungaling nina Xi at Qi na hindi binabalewala ng China ang umiiral na pandaigdigang sistema.
Pero ang ginagawa nila ay maliwanag namang kabaligtaran ng kanilang sinasabi, walang duda, doon pa lang sa pagtanggi nilang kilalanin ang hatol ng Arbitral Tribunal na pumabor sa Pilipinas at nagbasura sa kanilang nine-dash line na umaangkin sa halos buong South China Sea.
CHINA BULLY IN DENIAL
Source: Filipino Pinoys
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento