ANG PANGANIB NG ALERT LEVEL 2

SIMULA nitong Biyernes, nang ibaba sa mas maluwag na Alert Level 2 ang quarantine status sa Metro Manila, kapansin-pansin ang dami ng taong nagtitipon-tipon sa mga mall at iba pang pasyalan.

Ang dagsa ng mga motorista sa paligid ng mga commercial center ay patunay kung gaano karaming Pilipino ang atat nang makabalik sa normal nilang pamumuhay tulad noong wala pang pandemya.

Dahil sa mataas na vaccination rate sa mga taga-National Capital Region at sa tuloy-tuloy na pagbaba ng mga bagong COVID-19 cases na naitatala araw-araw, buhay na buhay ang pag-asa ng lahat na totoong magi­ging masaya na ang Pasko sa bansa — gaya ng dati.

Pero bago natin ipagbunyi ang pagbawi sa curfew hours, ang mas mahabang operasyon ng mga mall at ang pahintulot na makalabas na ng bahay ang mga bata, importanteng hindi pa rin natin ipagwalang-bahala ang pag-iingat.

Habang ninanamnam natin ang matagal na­ting hinintay na kalayaang ito, alalahanin natin ang dalawang projections ng Department of Health sa mga susunod na linggo.

Ang isa ay positibong taya na nagsasabing maaaring bumaba ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa 2,100 pagsapit ng Disyembre 15, habang ang isa pa ay nagsasabing may po­sibilidad ding bumulusok sa hanggang 52,300 ang mga aktibong kaso sa kalagitnaan ng Dis­yembre.

Nakalilito ang malaking kaibahan ng dalawang tayang ito, pero parehong nakasalalay sa kung istrikto bang naipatutupad ang minimum public health standards gaya ng dapat, at kung patuloy na darami ang bilang ng nababakunahan.

Gamit ang modernong analytics sa mga pagtayang ito, ang malinaw ay malaki ang posibi­lidad na lumobong muli ang mga kaso ngayong mas marami na sa atin ang nakalalabas ng bahay at nakapamamasyal.

Ang hindi kagandahang prediksyon ay ‘yung tataas ang mobility mula sa 82 porsiyento patungong 91 porsiyento.

Kasabay nito ang pagbaba ng antas ng pagsunod sa health safety protocols na tinatayang babagsak sa 26 porsiyento ngayong umiiral na ang Alert Level 2.

Isa itong nakakabahalang kumbinasyon na magbabalewala sa tagumpay nating maibaba ang bilang ng nagkahawahan ng COVID-19.

Kaya kung gusto talaga natin ng isang pinag­palang Pasko kasama ang masasaya at malulusog na miyembro ng ating pamilya hanggang sa pagsalubong sa Bagong Taon, dapat na huwag tayong maging kampante, lalo na kapag nasa pampublikong lugar.

Sa panig ng gobyerno, dapat pang magsikap ang mga local government units upang mas marami pa ang mabakunahan mula sa mga sektor na delikado sa hawahan, lalo na ang matatanda, at dapat na magpatupad ng mga bagong estratehiya para makumbinse na ring magpatu­rok ang mga hanggang ngayon ay nag-aatubi­ling magpabakuna kontra COVID-19.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View.



ANG PANGANIB NG ALERT LEVEL 2
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento