COVID vax ng Pfizer higit 90% epektibo sa mga bata

MANILA, Philippines – Lumabas sa pag-aaral na epektibo ng mahigit 90% ang Pfizer COVID vaccine upang pigilan na makaranas ng sintomas ng sakit ang mga bata edad 5 hanggang 11.

Ito ang nakasaad sa dokumentong isinapubliko ng kumpanya nitong Biyernes, Oktubre 22 na naglalayon ring makakuha ng authorization mula sa US Food and Drug Administration.

Nagpatawag naman ang FDA ng pagpupulong kasama ng advisory panel ng mga independent experts sa Martes upang pagbotohan kung aaprubahan na ba nila ito.

Nagkaroon ng 2,250 trial participants ang pag-aaral ng Pfizer vaccine kung saan ang ilan ay tinurukan nila ng naturang bakuna samantala ang iba naman ay binigyan ng placebo.

“VE (Vaccine Efficacy) against laboratory-confirmed symptomatic COVID-19 occurring at least 7 days after Dose 2 in evaluable participants without evidence of prior SARS-CoV-2 infection was 90.7%,” ayon sa dokumento.

Mayroong 10 microgram dose ang bakuna para sa mga nakababatang age groups samantala ang older age groups naman ay nakatanggap ng 30 micrograms at ibinigay na may pagitan ng tatlong linggo.

Sa mga batang nabakunahan, wala sa mga ito ang nakapagtala ng severe COVID-19 case at wala ring naitalang multisystem inflammatory syndrome.

Nakatakda naman na ilabas ng FDA ang sarili nitong pag-aaral sa naturang bakuna at kanilang aalamin kung nananatiling lamang ang benepisyo ng bakuna kontra sa panganib nito para sa nasabing grupo. RNT



COVID vax ng Pfizer higit 90% epektibo sa mga bata
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento