BAKA MAY MAGAGAWA PA ANG POEA

SA pagsisimula ng second half ng 2021, inilunsad ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang online processing system nito para sa “Balik-Manggagawa” na tinatawag na POPS-BaM.

Isa itong masimpatiyang online system na binuo ng gobyerno upang tulungan ang overseas Filipino workers (OFWs) sa pagpoproseso ng pagbabalik sa kanilang trabaho sa ibang bansa na naapektuhan ng pandemya. Napilitang manatili sa bansa dahil sa lockdowns at sa pagbabawal sa biyahe palabas ng bansa sa mga walang bakuna kontra COVID-19, ilang buwan hanggang mahigit isang taong nabuhay sa kawalang katiyakan ang mga OFW na ito, nagdarasal at umaasang makakapagsimula silang muli.

Ang pagrerehistro bilang Balik Manggagawa ay hindi lang basta pinadali sa pamamagitan ng POPS-BaM portal, iniiwas din nito ang mga OFW – lalo na iyong mga nasa probinsiya – sa pagbibiyahe patungo sa tanggapan ng POEA na pinakamalapit sa kanila. Dahil din sa sistemang ito, exempted na ang Balik Manggagawa sa pag-a-apply ng Overseas Employment Certificate (OEC), na personal na ipinoproseso.

Gayunman, napag-alaman ng Firing Line mula sa ilang Pinoy na empleyado ng mga dayuhang kompanya na nadiskuwalipika sila sa Balik Manggagawa online processing program. Sa paabisong inilabas kamakailan ng POEA, nilinaw ni Administrator Bernard Olalia na ang mga OFW na nasa work-from-home arrangement sa kani-kanilang dayuhang employers ay hindi kuwalipikadong mag-aplay ng mabilisang Balik Manggagawa exit clearance.

Quoted ng paabiso ang hepe ng POEA sa pagsa-sabing: “Dahil ang mga nasabing manggagawa ay hindi saklaw ng pangunahing konsiderasyon na na-deploy muna sa ibang bansa para magtrabaho sa nabanggit na dayuhang amo, upang maituring na Overseas Filipino Worker, ang mga nasabing manggagawa ay hindi kuwalipikado para isyuhan ng Balik-Manggagawa Overseas Employment Certificates.”

Bagamat may katwiran ang paninindigang ito ng POEA, naniniwala akong dahil mandato ng ahensya na alalayan ang mga OFW, lalo na sa sitwasyon ng bansa sa ngayon – partikular na sa aspetong pang-ekonomiya, kabuhayan, at krisis pangkalusugan – dapat na naging mas aktibo ang tugon ng POEA at hindi simpleng diskuwalipikasyon lang.

Kung ang isang Pinoy na walang trabaho ay nakakuha ng foreign-based job sa harap ng kanyang computer habang nasa loob ng kanyang bahay sa Baliuag, Bulacan o sa Pagalungan, Maguindanao at nagawang kumita at makapag-ambag sa lokal na ekonomiya habang naka-lockdown dahil sa pandemya sa nakalipas na taon, dapat na humanap ng paraan ang POEA upang samantalahin ang oportunidad na ito upang umangat pa ang empleyadong iyon sa kanyang pinagtatrabahuhan sa labas ng bansa.

Pakiusap, Mr. POEA, paglaanan ninyo ang mga manggagawang ito ng alternatibong programa na magbibigay-ginhawa rin sa kanila; iyong higit pa sa basta lang idiskuwalipika sila bilang Balik Manggagawa dahil iyon ang pinakamadali at kaya ninyong gawin.

*              *              *

Sa Firing Line noong nakaraang linggo, ang nabanggit na “‘Pandora’s box’ article” sa mga prominenteng Pilipino na may offshore accounts ay tungkol sa nag-leak na datos sa mga personalidad sa iba’t ibang bahagi ng mundo na may offshore accounts at tinatawag na “Pandora Papers.” Bagamat sa unang basa ay masasabing pagkakamali iyon sa aking panig, iyon ay personal kong literary choice para tukuyin ang            artikulo. Gayunman, nauunawaan ko ang kalituhang idinulot nito sa mga mambabasa, at humihingi ako ng paumanhin. Para malinaw, ang tinutukoy ko ay ang artikulo tungkol sa “Pandora Papers.”



BAKA MAY MAGAGAWA PA ANG POEA
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento