SAKIT SA PUSO TATAMA SA KABATAAN SA BAKUNA VS COVID

MAGSISIMULA na sa Oktubre 15 ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa hanay ng mga kabataang edad 12-17.

Gagamit ang pamahalaan ng mga bakunang Pfizer at Moderna na sinasabing mga epektibo at ligtas.

Gagawin ito dahil inaatake na rin ng COVID, lalo na ang Delta variant, ang mga kabataan mula sa pagkasanggol hanggang sa edad 17.

Nagbabakuna na sa mga bansang Israel, United States, Canada, Dubai, France, Germany, Britain, Singapore at iba pa.

Pfizer, Moderna at AstraZeneca ang gamit ng mga karamihan ng dumarami nang bansang nagbabakuna sa mga kabataan.

MODERNA PINAHINTO

Nitong Hulyo, pinayagan ng European Medicines Agency ang paggamit ng Moderna kasunod ng paggamit ng Pfizer noong Hunyo.

Pero kamakalawa, biglang pinahinto ng bansang Sweden ang paggamit ng Moderna at maaaring ituloy ito sa Disyembre, depende sa ibubunga ng pag-aaral sa side effect nito sa puso na nakamamatay.

Makaraang suspindehin ng Sweden ang pagbabakuna ng Moderna, nagsuspinde na rin ang mga bansang Norway at Denmark.

MYOCARDITIS AT PERICARDITIS.

Parehong sakit sa puso ang Myocarditis at Pericarditis.

Itong Myocarditis ay pamamaga ng mismong muscle ng puso na bumabalot sa kalamnan nito samantalang ang pericarditis ay pamamaga sa manipis na balot ng puso sa labas nito.

Nakamamatay ang Myocarditis kung hindi ito magamot samantalang sakit sa dibdib ang nararamdaman sa pericarditis kung nagkikiskisan ang mga magkakadikit na bahagi na namamaga habang gumagalaw ang ating puso.

Ayon sa mga awtoridad sa Sweden, wala pa namang namamatay sa mga biktima mula sa mahigit nang 80,000 na nababakunahan.

Tinatamaan ang mga kabataang ipinanganak mula sa taong 1991.

MGA BATA TINATAMAAN DIN

Young adults ang tawag sa mga tinatamaan dahil nasa 20 anyos pataas na sila.

Pero isinama na rin natin sa talakayan ang mga 12-17 anyos dahil tinatamaan din naman sila talaga makaraan ang pagbabakuna, lalo na sa ikalawang turok.

Sa Israel na mahigit tig-limang milyon ang naturukan ng isa at dalawa, mayroon talagang nagkakaroon ng Myocarditis at Pericarditis, ayon sa Public Health England.

Mayroong 148 na 16 anyos pataas na biktima.

Sa US, sa nabakunahan nang nasa 180 milyong tao, nagkaroon din ng pagdami ng nasabing mga sakit sa puso.

Sa bansang ito, may 40 biktima sa bawat milyong nabakunahan sa edad na 12-29.

Sa UK, may nagkaroon ng myocarditis at pericarditis ang 279 na tinurukan ng Pfizer sa bawat milyong nabakunahan; 242 naman sa AstraZeneca at 28 sa Moderna.

WALA PANG NAMAMATAY?

Sinasabi sa mga ulat na wala pang namamatay at kung tama ang mga ulat na ito, mga Bro, ligtas at epektibo talaga ang mga bakunang Pfizer, Moderna at AstraZeneca para sa mga bata.

Pero depende kung sino ang nag-uulat dahil may nagsasabi namang may mga namamatay na bata, bukod sa mga matatanda na talagang namamatayan, lalo na ang mga may dala-dalang sakit o comorbidity kung tawagin nang mabakunahan.

MGA SINTOMAS

Makaraang mabakunahan, maaaring may magkaroon ng mga sintomas ng Myocarditis at Pericarditis.

Heto ang ilan sa mga sintomas, mga Bro: pananakit sa dibdib, kakapusan ng hininga, sobrang bilis ng tibok ng puso o pangangabog sa dibdib.

Ito ang mga dapat na bantayan at dapat na iulat agad sa doktor upang masuri at mabigyan ng lunas ang mga biktima.

Nararamdaman ang mga sintomas makaraan lang ng ilang araw matapos ang bakunahan.

Ngayon naman, kung sa unang turok pa lang ay may sintomas na ng nasabing mga sakit, ang mga doktor na ang magpapasya kung tuturukan muli o hindi na ang biktima.

MGA MAGULANG MAGBANTAY

Walang ibang magbabantay kundi ang mga may edad matapos mabakunahan ang mga bata.

Dapat ipaalaala ng mga magulang ang habilin ng mga nagbabakuna na magsabi ang mga bata ng kanilang mga nararamdaman makaraan ang pagbabakuna.

Lalo na sa parte ng kanilang mga dibdib na roon matatagpuan ang puso.

Mabilisan dapat ang pagbibigay ng impormasyon sa mga kinauukulan at maaaring dumirekta sa mga doktor na kakilala o sa mga health center na pinakamalapit.

Dahil mga bata pa ang babakunahan, magandang sa mga magulang o iba pang nakatatandang miyembro ng pamilya ang pagbilinan ng pagbabantay sa mga bakunado.

Ito’y para makagawa agad ng tamang desisyon ang mga ito sa kung ano-ano ang mga dapat na gawin.



SAKIT SA PUSO TATAMA SA KABATAAN SA BAKUNA VS COVID
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento