KONTROBERSYA SA PAREX PROJECT: PERWISYO BA O PAKINABANG?
KONTROBERSYA SA PAREX PROJECT: PERWISYO BA O PAKINABANG?

ISA sa pinakakontrobersyal na proyekto ngayon ang tinatawag na PAREX o Pasig River Expressway Project.
Isa itong 6-lane na elevated road o klase ng skyway na may habang 19.36 kilometro na magsisimula sa Radial Road sa Lungsod ng Maynila hanggang sa Taytay, Rizal, may pondong P95 bilyon mula sa San Miguel Corporation at walang gastos ang gobyerno.
Mula sa Maynila, tatawirin ng kalsadang ito ang mga lungsod ng Makati, Mandaluyong at Pasig hanggang makarating ito sa Taytay.
Gagawin ito sa loob ng mahigit 36 buwan o tatlong taon magmula sa mga araw na ito hanggang sa 2023.
Inaprubahan ang proyekto ng pamahalaang Duterte nitong Setyembre 21 at inilatag ang pundasyon nito nitong Setyembre 24.
KONTRA PAREX
Nagsulputan ang mga kontra sa proyektong ito sa iba’t ibang kadahilanan.
Isa sa mga sinasabi ng mga kontra ang pagkakaengganyo umano sa mga tao na magkaroon ng mga dagdag na sasakyan na lalong magpapalala umano ng trapik.
At kung malala ang trapik, may dagdag-polusyon din.
Kung talagang ganoon kalaki ang pondo umano, mas maganda na sana umanong gumawa na lang ng mga bikelane at pagandahin at ayusin ang ilog.
May halong pulitika rin umano dahil ipagmamalaki lang ng mga kandidato sa halalang 2022 na isa sa kanilang legasya ito.
May mga sisirain din umanong mga imahe ng mga lugar na pinoprotektahan ng mga historiador gaya ng Intramuros at MalacaƱang mismo na parehong nakatayo sa Pasig River.
Subalit pinakamahalaga umano ang kakulangan ng sapat na konsultasyon sa mga mamamayan, lalo na ang mga nasa kapaligiran na maaaring masiraan o mawalan ng iba’t ibang bagay.
At may naghahanda na umano ng kaso na isasampa sa Korte Suprema para patigilin umano ito.
PALIWANAG NG SMC
Ayon kay Ramon Ang, malaking ginhawa ang biyahe dahil 15 minuto na lang ang tatakbuhin ng sasakyan mula sa Radial Road hanggang Taytay .
Hindi naman din umano masisira ang Pasig River dahil itatayo ito sa gilid ng ilog na may mahigit isang metro lang ang lapad na haligi na itatayo samantalang nasa 91 metro ang lapad ng ilog.
Mabubuhay at gaganda rin umano ang ilog dahil palalalimin ito, maging ang mga ilog, sapa at iba pang konektado sa Pasig River.
Magkakaroon din umano ng mga bike lane gaya ng hinahanap ng iba.
Gagaan din umano ang polusyon dahil mababawasan ang sobrang trapik sa lupa na pinagmumulan ng katakot-takot na polusyon.
Hindi naman masisisi rin umano ang mga taong gustong magkaroon ng sasakyan sa parte ng mga umuunlad ang buhay.
ANG MGA KARANASAN
Marami umano ang nagtatrabaho, negosyante at motorista na tumatawid mula sa Road 10 hanggang Taytay, Rizal at inaabot sila ng 3-4 oras dahil sa trapik mula Lunes hanggang Sabado.
Kung tag-ulan, umaabot pa ang trapik sa 5-10 oras dahil sa mga baha na lumilikha ng katakot-takot na trapik kahit saan at ikinasisira ng mga sasakyan.
Sa araw ng Linggo lang umano mahigit isang oras ang biyahe sa pagitan ng dalawang lugar.
Para sa mga motorista, bagama’t inaasahang may toll na maaaring katamtaman ang halaga, higit naman umanong mas magaan ito kumpara sa konsumo sa diesel at gasolina na mauubos sa loob ng 3-4 oras na biyahe o 10 oras na pagkakaistak sa trapik sa tag-ulan at tagbaha.
Para sa mga negosyante sa import-export na gumagamit ng mga truck na karaniwang humahantong o nagmumula sa pier sa Road 10, malaking ginhawa at mabilis umano ang biyahe ng mga kalakal.
At dahil kakambalan ang PAREX ng rapid bus line, malaking ginhawa umano ito para sa mga empleyado o obrero na pumapasok at umuuwi.
EMERGENCY NA BIYAHE
Para sa mga nagtatakbo ng mga maysakit na mahihirap sa mga ospital na karaniwang pangmamahirap gaya ng g Philippine General Hospital, San Lazaro Hospital, Fabella Hospital, Jose Reyes Memorial Medical Center, Rizal Medical Center at ospital ng Maynila, higit umanong kapaki-pakinabang ang PAREX, lalo’t ikokonekta ito sa Skyway.
Halimbawang totoong 15 minuto lang umano ang biyahe sa buong kahabaan ng PAREX at may mga babaan at akyatan ito sa maraming lugar, mabubuhay ang pasyente sa halip na mamatay kung ibibiyahe ito sa ibaba na sobra talaga ang trapik.
ANO NAMAN ANG SA INYO?
Kayo naman, mga reader ng kolum na ito, ano sa palagay ninyo ang kahalagahan ng proyektong ito?
Higit ba itong perwisyo o kapaki-pakinabang?
KONTROBERSYA SA PAREX PROJECT: PERWISYO BA O PAKINABANG?
Source: Filipino Pinoys
KONTROBERSYA SA PAREX PROJECT: PERWISYO BA O PAKINABANG?
Philippines news
Pinoy Trending
politics
showbiz
sports
technology
trending Articles
viral post
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento