TUPAD scam: Cash-for-work naging cash-no-work sa QC – Bello

MANILA, Philippines – Kinumpirma mismo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagkaroon ng iregularidad sa pagpapatupad ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers or TUPAD program sa Quezon City, Miyerkoles.

Mismong si DOLE Secretary Silvestre Bello III ang nag-ikot sa mga benepisyaryo sa Barangay Batasan Hills at nadiskubre mula sa kanila na kulang ang ibinayad sa kanila.

Ang nasabing reklamo ay nauna nang ipinabatid ng mga manggagawa sa Barangay Holy Spirit sa Quezon City.

Ang TUPAD ay isang cash-for-work program na nagbibigay ng trabaho sa mga manggagawang naapektuhan ng mga ipinatutupad na lockdown sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Natuklasan pa umano ni Bello na mayroong ilang mga indibidwal na nakatanggap ng sahod kahit hindi nagtrabaho.

“Ang sabi nila ay hindi naman sila nagtrabaho so ito ay mga hindi legal na benepisyaryo ng TUPAD,” ani Bello.

Sa ngayon, sinabi ng kalihim na nagpasaklolo na siya sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa isinasagawang imbestigasyon ng DOLE National Capital Region (NCR) office at mapanagot ang mga sangkot.

“Halatang-halata na isang irregularity–isang scam ito. Aalamin natin kung sino ang nagbigay sa kanila ng trabaho pero hindi naman pinagtatrabaho at nagbigay ng pera pero hindi iyon ang dapat na makarating sa kanila,” ani Bello. RNT



TUPAD scam: Cash-for-work naging cash-no-work sa QC – Bello
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento