Edwin at Eric Olivarez magpapalit-pwesto sa 2022 elections

MANILA, Philippines – Inihayag ni Parañaque City Rep. Eric Olivarez ang kanyang intensyon ng pagktabo sa nakatakdang eleksyon sa susunod na taon bilang mayor ng lungsod kapalit ng kanyang nakatatanda at kasalukuyang ama ng lungsod na si Mayor Edwin L. Olivarez.

Ang pag-anunsyo ni Rep. Olivarez ng kanyang intensyon sa pagtakbo bilang mayor ng Parañaque ay bunsod ng pagtatapos ng termino ng kanyang nakatatandang kapatid na alkalde na nakapagsilbi ng tatlong termino bilang punong ehekutibo ng lungsod.

Si Rep. Olivarez, na kasalukuyang chairman ng House committee on government enterprises and privatization, ay nagsilbi bilang konsehal ng lungsod ng dalawang termino o katumbas ng anim na taon bago siya nahalal na congressman noong 2013.

Samantala, sa pagtatapos ng kanyang termino ay tatakbo naman si Mayor Olivarez bilang congressman ng unang distrito ng lungsod sa ilalim ng PDP-Laban faction ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

Makakatambal ni Rep. Olivarez na tatakbo bilang kanyang vice-mayor si Guada Golez na kapatid ni kasalukuyang Vice-Mayor Rico Golez na tatakbo naman bilang konsehal sa ikalawang distrito ng lungsod.

Si District 2 Rep. Gus Tambunting na naging kaalyado at kapartido ng magkapatid na Olivarez ay muli namang tatakbo bilang congressman ng ikalawang distrito na kasama pa rin ng mga Olivarez.

Ang magkapatid na Olivarez ay naging kaalyado ni Pangulong Duterte mula pa noong 2016 habang ang kanilang ama naman na si Pablo Olivarez ay nagsilbi din ng isang termino bilang mayor ng Parañaque noong 1982 hanggang 1985.

Ayon pa kay Mayor Olivarez, ang alyansang Olivarez-Golez na nagsimula noon pang taong 2013 ay mananatili hanggang sa kasalukuyan. James I. Catapusan



Edwin at Eric Olivarez magpapalit-pwesto sa 2022 elections
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento