TULONG SA EKONOMIYA NG GRANULAR LOCKDOWN

MAARING kabisado na natin ang pagsasagwa ng iba’t-ibang kategorya ng community quarantine na pinasimulan sa bansa nitong nakalipas na taon upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 na pumasok sa Pilipinas noong 2020.

Ngunit sa pagkakataong ito, ipatutupad na ang granular lockdown na kung titignan ay talagang makatutulong sa ating ekonomiya dahil hindi na isang buong siyudad o munisipalidad, base sa naayong alituntunin na inilatag ng IATF, ang kailangan na isara tuwing may maitatalang mataas na bilang ng kompirmadong kaso sa isang lugar.

Magandang bagay ito dahil talagang mataas lamang ang tsansa ng hawahan sa magkakalapit-bahay at kung may layo na ng ilang barangay ang isang komunidad mula sa sentro ng may mataas na bilang ng COVID-19 cases, maaari na silang makapagpatuloy sa kanilang paghahanapbuhay at ‘di maapektuhan ng lockdown.

Subalit hindi naman ito nangangahulugang magpapakakampante na ang malala-yong lugar mula sa mga isasailalim sa granular lockdown dahil nananatili pa rin naman ang banta ng COVID-19.

Lalo pa ngayon na kalat na sa maraming lugar ang mas nakahahawang variant nito na Delta.

Kailangan na rin kasi talagang muling buhayin ang ating ekonomiya kaya umiisip ang ating pamahalaan ng mga paraan upang mabalanse ito sa patuloy na pangangalaga sa kalusugan ng sambayanang Pilipino sa gitna ng pandemya.

Makagagaan din ang granular lockdown sa pamahalaang nasyonal dahil pwedeng hindi na kailanganin pang mamahagi ng perang ayuda sa mga isasailalim dito at maaaring sumapat na ang relief goods mula sa lokal na pamahalaan.

Pagbati sa Target on Air sa DZME ni Ka Rex Cayanong

Malugod na inihahatid ng inyong lingkod ang maligayang pagbati para sa ika-7 anibersaryo sa himpapawid ng Target on Air na programa ng kapita-pitagang Ka Rex Cayanong sa DZME 1530 khz.

Bilang isa sa mga pinagkakatiwalaang alagad ng media sa bansa, nagsisilbing bantay ng pamahalaan si Ka Rex sa programang ito na katuwang na rin ng gobyerno para masawata ang katiwalian sa hanay nito.

Nawa’y maraming oportunidad pa ang ibigay sa Target on Air upang maisahimpapawid ang mga isyung pambayan na dapat bigyan pansin at tutukan ng pamahalaan.



TULONG SA EKONOMIYA NG GRANULAR LOCKDOWN
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento