COVID-19 SA BANSA LUMALALA

NAKAAALARMA ang walang puknat at mabilisang pagtaas ng kaso ng covid-19 sa bansa sa kabila ng malawakang pagbabakuna ng gobyerno.

Hindi biro ang pahayag ng DOH na halos 70% ng COVIDd-19 ward sa mga ospital sa NCR ay okupado ng mga nahawaan ng Delta variant.

Aminado ang ilang doktor sa mga pampublikong pagamutan sa Northern at Central Luzon, Central Visayas at Mindanao na ito na ang itinuturing na pinakamataas na bilang nang nagkasakit kumpara noong 2019.

Kung dati ay sa Kamaynilaan at CALABARZON at Bulacan lang ang epicenter ng pandemya, aba’y kumalat na rin ito sa kahit saan.

Ang masaklap pa, ayon pa rin sa DOH, bawat rehiyon ay may local transmission na na ugat ng hawaan sa mga lalawigan ngayong pinaniniwalaang napasok na rin ng Delta variant.

Sabi naman ng OCTA Research group, hindi naampat ng ipinatupad pa lang na ECQ ang pagkalat ng sakit sa Metro Manila dahil patuloy na lomobo ang bilang ng nagpositibo sa halip na mabawasan bunsod sa isinagawang quarantine restrictions dalawang linggo na ang nakararaan.

Nakapagtataka na sa halip na maghinay-hinay ang pagkalat ng covid-19 dahil sa kaliwa’t kanang pagbabakuna sa mga probinsya,mas lalo pang naging agresibo ang pag-akyat ng bilang nang nahahawaan.

Unawa ng bawat isa na ang garantiya lang ng bakuna ay’ yung hindi na daraan sa severe o malalang sitwasyon ng sakit na ito ang sinomang naturukan subalit ‘andyan pa rin ang pangambang magkakasakit pa rin tayo kahit bakunado na.

Ibig sabihin, ang disiplinang sumunod sa minimum health protocols ang pinakambisang solusyon pa rin sa lumalalang sakit na itong dahilan ng paghihirap ng mamamayan. Ang mga pasaway at matitigas ang ulo lang naman ang kadalasang biktima ng virus na itong mistulang ligaw na balang hindi malaman kung saang lupalop nagmumula.

Para sa komento, mag-text sa 09999388537/email normanlaurio17@gmail.com.



COVID-19 SA BANSA LUMALALA
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento