MANILA, Philippines – Patay ang isang babaeng palaboy matapos na mabundol siya ng SUV habang tumatawid sa kalsada kagabi sa lungsod ng Quezon.
Isinilarawan ni Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 4 commander PMajor Manuel Dela Cruz Jr. ang biktima na nasa edad na 19 hanggang 24, 5’0 ang taas, nakasuot ng puting t-shirt, gray na jogging pants at pulang tsinelas.
Kinilala naman ang suspek na si Karl Matthew Sotingco, 22 anyos, residente ng 6th Street New Manila Q.C. at drayber ng Toyota Fortuner na may plakang VRA-539.
Ayon kay PSMS Percival Kalbi, may hawak ng kaso, dakong 7:50 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng E Rodriguez Sr. Brgy Doña Imelda, Q.C.
Lumalabas na tinatahak ni Sotingco ang nasabing kalye nang bigla umanong tumawid ang biktima sanhi upang mabundol ng harapan bahagi ng Toyota Fortuner ang palaboy.
Sa lakas ng impak tumilapon ng ilang metro ang biktima na nagresulta upang magtamo ito ng matinding pinsala sa iba’t-ibang parte ng katawan.
Sinubukan pang isugod ng ambulansiya ang biktima sa Delos Santos Hosiptal subalit idineklara itong dead on arrival.
Nakapiit na suspek at nahaharap sa kasong Reckless Imprudence resulting to Damage to Property at Homicide. Jan Sinocruz
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento