SC nagpaabot ng pakikiramay sa pinatay na Cebu lawyer

Manila, Philippines – Nakiramay si Supreme Court Committee on Human Rights Chair at Associate Justice Marvic Leonen sa pamilya ng pinaslang na abogado sa Cebu City na si Rex Jose Mario Fernandez.

Sinabi ni Leonen na ang pagpatay sa sinumang abogado ay itinuturing ng Korte Suprema na isang ‘serious concern.’

Si Fernandez ay binaril noong Huwebes ng hapon habang lulan ng kanyang sasakyan sa Brgy. Guadalupe sa Cebu City.

Bukas aniya ang Korte Suprema sa mga bagong ulat ng pulisya at iba pang organisasyon ukol sa insidente sa Cebu.

Sinabihan ni Leonen ang mga otoridad at human rights groups na isumite sa SC hanggang sa katapusan ng Setyembre ang kanilang findings sa insidente.

Inihayag pa ng mahistrado na patuloy nilang binubusisi ang maraming records at ulat na isinumite sa kanila ng mga otoridad at iba’t ibang grupo ukol sa pagpaslang sa mga hukom at mga abogado.

Una nang hiniling sa SC sa mga lower courts at iba’t ibang law enforcement agencies na bigyan sila ng  datos kaugnay sa bilang at kaso ng pagbabanta at pagpatay sa mga abogado sa nakalipas na 10 taon. Teresa Tavares


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento