Reproduction number ng COVID sa bansa umakyat na sa 1.55 – OCTA

MANILA – Patuloy na tumataas ang reproduction number ng COVID-19 sa bansa at ngayo’y nasa 1.55 na nitong Lunes, Agosto 16, ayon sa OCTA Research.

“As of yesterday, nasa 1.55 na yung reproduction number sa buong bansa. Ibig sabihin bumibilis yung hawaan sa buong bansa,” pahayag ng isa sa mga miyembro ng OCTA Research na si Dr. Guido David sa isang online briefing nitong Martes, Agosto 17.

Tinutukoy ng reproduction number ang tinatayang bilang ng mga secondary infection sa kada indibidwal na positibo sa COVID-19. Ito rin ang ginagamit ng OCTA Research upang pag-aralan ang mga trends nito sa bansa.

Kung ikukumpara ang surge ng COVID-19 noong Marso 2021, sinabi ni David na ang kasalukuyang surge ay bahagya ng nagsisimula.

“That’s why yung iba parang hindi nila masyado nakita yung pagtaas ng bilang ng kaso pero biglang nag-accelerate. Biglang bumilis yung pagdami ng bilang ng kaso,” aniya.

“Ang ibig sabihin nun kasi nagkaroon ng replacement. Napapalitan yung virus ng mas bagong variant. Unti-unting dumadami yung variant na nagci-circulate, dagdag pa niya.

Ipinapakita sa isang pag-aaral ng US Centers for Disease Control and Prevention or CDC na ang Delta variant ng COVID-19na unang namataan sa India ay madaling kumakalat kagaya ng bulutong o chickenpox at mas nakahahawa kaysa SARS, MERS, Ebola, sipon, trangkaso, at tigdas.

Ipinunto rin ni David na ang mga Pilipinong hindi pa nababakunahan ay may mas mataas na posibilidad na magkaranas ng karamdamang dulot ng COVID-19 kaysa sa mga nabakunahan na.

“Yung mga unvaccinated tumataas yung ICU rates nila. Ibig sabihin mas maraming naa-ICU sa mga unvaccinated kaysa noong nakaraan,” paliwanag niya.

Ayon pa kay David, batay sa ulat ng Department of Health (DOH), tumataas ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa edad na 17 pababa.

“Noong July 1, 7 percent sa Metro Manila ay mga 17 and below. Pero as of latest data umabot na siya ng mga 11 to 12 percent ng cases ay mga bata. Ibig sabihin mas maraming mga bata ang nahahawaan,” aniya.

Hinimok ni David ang publiko, bakunad man o hindi, na siguruhin ang istriktong pagsunod sa mga health protocol tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield; regular na paghuhugas ng mga kamay; at physical distancing upang maiwasan ang pagkalat ng Delta COVID-19 strain. -RNT/Ethel Mangao -trainee


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento