Bidding process sa pagbili ng face masks pinalaktawan ni PRRD kay Duque

Manila, Philippines – Inamin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipinag-utos niya kay Health Secretary Francisco Duque III na mag-skip o lakdawan ang bidding process sa pagbili ng face masks noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic taong 2020.

“I remember nag-Cabinet meeting tayo right after I constituted the Task Force. I remember distinctly, sinabi ko kay Sec. Duque na bumili ng kailangang face mask or whatever equipment needed. Sabi ko, ‘Huwag ka nang mag-bidding. Matagal iyan,’” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People, araw ng Sabado.

Sinabi ni Pangulong Duterte na inatasan niya si Duque na lakdawan na ang bidding dahil batid naman niya na ang bansa ay nasa emergency situation.

Gayunman, mas pinili aniya ng Kalihim na magpatuloy sa bidding dahil nag-iingat lamang ito.

“I want to make it of record to the public and everybody that I, and the Cabinet knew about it… ang sabi ko, ‘Go ahead and buy the things that you need to fight the pandemic nga e,’” ani Pangulong Duterte.

“Emergency ito. Emergency hanggang ngayon. Just to disabuse the minds of some people about corruption. It ain’t here at this time and I suppose that you are barking at the wrong person,” dagdag na pahayag nito.

Nauna rito ay mismong si Pangulong Duterte ang nag-utos sa DOH na ipaliwanag sa publiko ang sinasabing deficiencies na nailahad ng COA.

Batay sa COA report, may mali diumano sa paggamit ng DOH sa may P66.28 bilyong pondo sa kabuuang alokasyong na  P67.32 bilyon.

Dahil sa ulat ng COA ay agad umaksyon si Deputy Minority Leader at Marikina Rep. Stella Quimbo para ipasilip ang kontrobersyal na umano’y hindi  pagbabayad ng DOH sa benefits at allowances para sa mga private healthcare workers na nakapaloob sa Bayanihan 2.

Ito ay kasunod naman ng ginanap na dayalogo sa pagitan ng private healthcare workers (HCWs) unions sa NCR at ng ilang mga mambabatas.

Hindi makapaniwala si Quimbo kung bakit hindi nagawang ibigay ng DOH ang mga benepisyo ng mga private healthcare workers gayong pinalawig naman ang Bayanihan 2 hanggang nitong June 30, 2021.

Dahil sa isyung ito ay naghain si Quimbo ng House Resolution 2121 kung saan inaatasan dito ang House Committee on Good Government and Public Accountability na magsagawa ng imbestigasyon sa kapabayaan ng DOH na maibigay ang mga benepisyo at allowances ng mga private medical frontliners.

Aabot sa P13.5 bilyon ang pondo para sa allowances at benefits ng mga private health workers.

Giit ng kongresista na dapat maipaliwanag at matukoy ng DOH ang mga rason kung bakit bigo nitong maibigay ang mga benepisyo at pinaglalatag rin ng solusyon ang ahensya tungkol dito.

Samantala, sinabi naman ni Trade Secretary Ramon Lopez, sa Talk to the People ng Pangulo na nirebisa niyang mabuti ang mga dokumento ng kanyang departamento at naipakita nito na nagdeklara sila ng suggested retail price sa face masks na P28 kada piraso dahil “the prices then were really going up even beyond P28” noong Marso 2020.

Samantala, binigyang katuwiran naman ni DBM officer-in-charge Tina Rose Canda ang paglilipat ng pondo ng DoH sa DBM-PS para sa pagbili ng face masks at face shields.

“Doon sa transfer ng pondo, at that point, pandemic iyon. I think the DOH had no recourse but to transfer the fund to PS-DBM at that time.”

“Under the laws naman, talagang kapag common-use equipment, talagang sa PS-DBM iyong i-po-procure,” dagdag na pahayag ni Canda. Kris Jose


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento