Mga Pinoy na nagwagi sa Math and Chemistry Olympiads binati ng Malakanyang

MANILA, Philippines – Malugod  na binati ng Malakanyang ang mga Filipinong nakasungkit ng medalya sa katatapos lamang na Math and Chemistry Olympiads kung saan ang nagsilbing host ay ang mga bansang Russia at Japan.

Ang mga kinatawan ng Pilipinas na nanalo ng 4 na silver at 2 bronze medals sa 62nd International Mathematical Olympiad (IMO) mula Hulyo 14 at 24 ay “virtually hosted” ng Russia.

“Binabati natin ang Team Philippines sa kanilang four silver medals at two bronze medals sa katatapos na  62nd International Mathematical Olympiad hosted by Russia,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ang nakasungkit ng silver medals para sa Pilipinas ngayong taon ay sina Bryce Ainsley Sanchez ng Grace Christian College, Steven Reyes ng Saint Jude Catholic School, Immanuel Josiah Balete ng St. Stephen’s High School, at Raphael Dylan Dalida ng Philippine Science High School (PSHS).

Sina Sarji Elijah Bona ng De La Salle University Senior High School at Vincent Dela Cruz ng Valenzuela School of Mathematics and Science ay kapuwa nakakuha ng bronze medals.

Ang mga kinatawan naman ng bansa ay nakakuha ng dalawang silver medals at isang bronze medal sa 53rd International Chemistry Olympiad (ICh0) na idinaos “virtually” mula Hulyo 25 hanggang Agosto 2 sa Japan.

“Binabati rin natin ang Team Philippines na nag-uwi ng dalawang silver medals at isang bronze medal sa katatapos na  53rd International Chemistry Olympiad hosted by Japan,” dagdag na pahayag nito.

Kapuwa naman nasungkit nina Angelo Gelacio ng PSHS-Main Campus at Nathan Wayne Ariston ng PSHS-Central Mindanao Campus ang silver medals sa nasabinng kompetisyon.

Si Aames Juriel Morales ng De La Salle University (DLSU) Integrated School Senior High School (SHS) Manila ay nanalo naman ng bronze medal.

“Patunay ang mga ito sa galing at talino ng estudyanteng Pilipino,” ayon kay Sec. Roque.

Samantala, nagpaabot naman ng “goodluck” ang Malakanyang sa anim na “differently-abled national athletes” na makikipaglaban sa Tokyo Paralympics mula Agosto 24 hanggang Setyembre 5.

Ang Philippine Team ay kinabibilangan nina Ernie Gawilan at Gary Bejino (swimming), Allain Ganapin (taekwondo), Jeanette Aceveda at Jerrold Mangliwan (athletics) at Achelle Guion (powerlifting).

“Good luck po sa Team Philippines na sasali sa 2020 Paralympics na magsisimula next week, Aug. 24 in Tokyo, Japan. Go for gold!” ayon kay Sec. Roque.

Ang Paralympics ngayong taon ay nagtatampok ng 540 events sa 22 sports na mayroong kinatawan ang Pilipinas na makikipaglaban sa “four disciplines” lamang. Kris Jose


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento