Higit 12M Pinoy ‘fully vaccinated’ na 

Manila, Philippines – Lalong dumarami ang bilang ng mga Pilipinong nababakunahan kontra COVID-19 habang tumataas din ang suplay ng mga ito na dumarating sa bansa.

Inanunsyo ng Malacañang nitong Huwebes, Agosto 12 na mahigit 12 milyong katao na ang nakakumpleto ng kanilang bakuna magmula nang simulan ang programa noong Marso.

Mula sa 26,127,502 na dose na naibigay na, 14,100,119 mula rito ang nakatanggap ng kanilang unang dose ng bakuna kontra COVID-19 habang 12,027,383 naman ang nakatanggap na ng kanilang ikalawang dose sa tala nitong Agosto 11. Ang vaccination rate ng bansa ay tumaas na sa 587,636.

“Habang patuloy ang pagdating ng supply ng bakuna, patuloy din po naman ang bakunahan sa buong bansa (As more vaccine supply arrive, our vaccination across the country continues),” pahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque nitong Huwebes, Agosto 12.

“Nagpapasalamat kami sa ating mga kababayan sa tumataas na kumpiyansa sa pagbabakuna. Maraming salamat din po sa ating mga vaccinators. Ito po ang ating depensa laban sa COVID-19 ha at mga variants ,” pagpapatuloy niya.

Sinabi rin ni Roque na 813,150 dose ng Pfizer vaccines na binili ng gobyerno at 100,000 dose ng bakuna mula sa United Arab Emirates ang dumating na sa bansa nitong Miyerkules .

Sumatutal, nakatanggap na ng 39,513,350 milyong dose ng bakuna kontra COVID-19 ang bansa na naging dahilan upang madagdagan ng pamahalaan ang bilang ng binabakunahan nitong mga nakaraang linggo sa kabila ng COVID-19 surge.

.

Nagmula bulto-bultong supply ng mga bakuna kontra COVID-19 sa iba’t-ibang manufacturers; 20.5 milyong dose dito ay Sinovac vaccines na mula sa China; 7,273,940 ang dami ng dose ng  AstraZeneca; 4,223,700 dose ng Pfizer; Moderna vaccine na may 3,826,860 dose; Johnson & Johnson na may 3,240,850; Sputnik V na may 350,000 dose ng bakuna; at 100,000 dose ng Sinopharm/Hayat-Vax.

Siniguro ng pamahalaan na mas pabilisin pa ang proseso ng pagbabakuna upang madagdagan ang depensa ng mga tao laban sa coronavirus sa gitna ng panganib na dulot ng mabilis na pagkalat ng Delta variant nito.RNT/Ethel Mangao -trainee


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento