MANILA, Philippines – Nangako si vaccine czar at chief implementer of the National Task Force (NTF) Against COVID-19 Secretary Carlito Galvez Jr. na hahabulin ang mga nagpapaturok ng tatlong dose ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Galvez, ang vaccine hoppers ay ang mga indibidwal na nagpaparehistro upang magpabakuna sa iba’t ibang lungsod.
“Vaccine hopping is illegal and vaccine hoppers are immoral. Lahat ng bakuna ay itinuturing nating ginto at hindi ito basta-basta sinasayang dahil ang gusto natin lahat ng Pilipino ay mabakunahan,” giit ni Galvez.
Nakasuhan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang dalawang indibidwal na nagpaturok ng tatlong dose ng bakuna.
Nilabag ng mga ito ang Quezon City Ordinance No. SP-3032 series of 2021 o ang “An Ordinance Prohibiting COVID-19 Vaccine Fraud.”
Sa ilalim ng ordinansa, papatawan ng P5,000 multa at hanggang sa anim na buwang pagkakakulong ang mga suspek.
“Napakahirap na ‘yong mga kababayan nating nasa far-flung areas at mga nasa GIDAs ay hindi pa nagkakaroon ng first dose tapos sila may third dose or boosters na. Unahin muna natin ‘yong mga areas at mga tao na wala pang first dose,” punto pa ni Galvez.
Nagpaalala rin ang vaccine czar sa mga mega vaccination sites na suriing mabuti ang vaccination status ng mga magpapabakuna upang mapigilan ang vaccine hoppers. RNT/ELM
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento