MANILA – Pumatak sa 63% ng kabuuang dami ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) at Central Luzon nitong Lunes, ayon sa isa sa mga eksperto ng OCTA Research na si Dr. Guido David.
Sinabi ni David na ito ang unang beses na tumaas sa 4,000 ang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila simula noong Abril 22, nang makapagtala ng 4,071 kaso mula rito kahapon.
Sinabi niya na 3,232 bagong kaso ang naitala sa CALABARZON habang 1,903 naman sa Central Luzon, kung susumahin ang tatlong rehiyon, 63% na ito ng kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa noong Agosto 16.
Ayon pa kay David, dapat na pag-aralang mabuti ng Interagency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease ang susunod na klasipikasyon ng quarantine na ipapataw sa mga rehiyon partikular na sa Metro Manila
“Sa ngayon, ang nakikita natin, tumataas na yung ICUs [intensive care unit utilization] natin. Nasa 72 percent na yung ICU utilization sa Metro Manila at hindi ito agad bababa dahil tumataas pa yung bilang ng kaso. Ibig sabihin mananatii siyang above 70 percent at maaaring umakyat pa siya ,” pahayag niya sa isang virtual public briefing nitong Martes, Agosto 17.
“Yung hospital bed occupancy natin sa Metro Manila tumataas na rin, I think nasa 64 percent. Maaari na siyang umabot sa 70 percent based on our projections by next week…Ibig sabihin niyan baka magiging factor ito kung ano yung magiging desisyon ng IATF whether to extend yung [enhanced community] quarantine or kung ibaba na to something like MECQ [modified enhanced community quarantine],” pagpapatuloy niya.
Samantala, inaasahan ni David na bababa ang bilang ng mga kaso sa Metro Manila sa mga susunod na linggo dahil sa ipinapatupad na ECQ.
“Ine-expect natin na mapapabagal yung hawaan sa NCR [National Capital Region]. Base sa history naman natin, August last year and then nung March 2021, mga four to five weeks bago natin makita, magsimulang bumaba yung bilang ng kaso. So hindi agad-agad natin makikita yung epekto ng enhanced community quarantine,” paliwanag ni David.
Hinimok ni David ang publiko, bakunad man o hindi, na siguruhin ang istriktong pagsunod sa mga health protocol upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa Metro Manila. -RNT/Ethel Mangao -trainee
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento