Bagyo, baha, wildfire sabay-sabay sumalanta sa Turkey; 6 probinsya apektado

ANKARA, TURKEY – Tumaas na sa 17 ang bilang ng mga namamatay habang isa naman ang nawawala bunsod ng pagbaha at mudslides na nararanasan sa Ankara, Turkey, ayon sa mga awtoridad nitong Huwebes.

Sinalanta rin ng pagbaha ang mga karatig-probinsya ng Black Sea kabilang na ang Bartin, Kastamonu, Sinop at Samsun noong Miyerkules na naging dahilan ng pagkawasak ng mga bahay, tulay at maging mga sasakyan.

Sa bayan ng Bozkurt, isang gusali ang natumba at isa pang gusali ang nawasak ayon sa tala ng ahensya ng Anadolu.

Gamit ang helicopters, sinagip naman ng mga militar ang 80 residenteng nasa bubong ng kanilang mga tahanan habang 1,400 katao naman ang tinulungan nilang lumikas sa mas ligtas na lugar at ang iba’y pansamantalang pinanatili muna sa mga dormitoryo.

Nang bahagyang bumaba ang lebel ng baha sa mga naturang lugar sa hilagang Turkey, nagbigay ng pahayag ang Disaster and Emergency Management Presidency (AFAD) na anim na katawan ang narekober ng mga rescuer sa Kastamonu.

Ilang sandali pa sa kaparehong araw, namataan ang siyam pang labi sa pinakaapektadong bayan na Bozkurt, habang dalawa naman ang namataan sa Sinop.

Naitala rin na may isang 80-taong gulang na nawawala sa probinsya ng Bartin habang 13 naman ang nasaktan sa pagguho ang isang tulay.

Nangyari ang pagbaha sa kabila ng isa pang trahedyang kinakaharap ng Turkey sa probinsya ng Mugla – isang wildfire sa timog-kanluran ng bansa na patuloy na inaapula ng mga bumbero matapos itong sumiklab mula pa noong ika-28 ng Hulyo.

Kilala ang probinsya bilang isang lugar-pasyalan ng mga turista, katabi ng Aegean Sea.

Mahigit 200 wildfires na ang naitala sa bansang Turkey sa loob lamang ng dalawang linggo na naging dahilan ng pagkamatay ng walong indibidwal, hindi mabilang na mga hayop at libo-libong mga residente ang kinailangang lumikas upang makaligtas sa trahedya.

Ayon sa mga climate scientists, mayroong maliit na tsansang bunsod ng climate change ang dahilan tulad ng pagsunog ng mga uling, langis at natural gas ang nagdulot upang mangyari ang mas malalalang insedente tulad ng heat waves, tagtuyot, wild fires, pagbaha at pagbagyo.

Inaasahan na rin umanong maranasan ang mga naturang kalamidad dahil sa patuloy na pag-init ng mundo.

Samantala, naghatid ng mensahe ng pakikiramay si President Recep Tayyip Erdogan sa 17 biktimang nasawi at sinabing hindi muna itutuloy ang paggunita sa ika-20 na anibersaryo ng kanilang partido sa Sabado dahilan sa mga naranasang trahedya ng bansa nitong mga nakaraang araw. -RNT/Ethel Mangao -trainee


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento