DMW lilipad pa-Egypt, aalalay sa mga inilikas na OFW sa Sudan

MANILA, Philippines – Nakatakdang lumipad patungong Cairo, Egypt si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan Ople upang pangunahan ang pagbibigay ng welfare assistance sa mga inilikas na overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa digmaan sa Sudan.

Sinabi ni Ople na inatasan sila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agarang pauwiin ng ligtas ang mga apektadong Pilipino sa Sudan.

“To quote the President, kung marunong mag Tagalog, marunong mag-Bisaya, marunong mag-Ilokano, marunong ng ibat-ibang dialect sa atin, Pinoy ‘yan so we will help,” sabi ng kalihim.

Tiniyak ni Ople na ang mga walang pasaporte o identity card ay mabíbigyan ng tulong.

Dagdag pa na inatasan sila ng Pangulo na makipagtulungan sa international partners tulad ng United Nations at ang International Office of Migration (IOM) para maiuwi lahat ang mga apektadong Pilipino ng ligtas.

Aniya, mayroong ibat-ibang team na binubuo ng mga eksperto sa repatriation at sa pagtugon sa kahalintulad na emergency crisis upang mas matulungan ang mga OFW.

Sa pakikipagtulungan ng DFA at Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago, sinabi ni Ople na tutukuyin nila ang eksaktong lokasyon kung saan ibibigay ng DMW teams ang cross-border assistance.

Pagdating sa border, bawat OFW ay agad na makakatanggap ng $200 financial assistance. Jocelyn Tabangcura-Domenden



DMW lilipad pa-Egypt, aalalay sa mga inilikas na OFW sa Sudan
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento