MANILA, Philippines- Iminungkahi ni Senador Alan Peter Cayetano sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na gawin ang ilang bahagi ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang business parks na ipapangalan kina dating President Ferdinand Marcos, Sr. at dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr.

Isinagawa ni Cayetano ang panukala sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on finance sa P717 bilyong 2023 budget ng DPWH na pinamumunuan ni Senador Sonny Angara.

“One of the proposals during Duterte administration is if matuloy ‘yung Bulacan and Cavite airport, gawin nang park kahit kalahati ng NAIA. Ito ang magiging lungs, Central Park ng Pilipinas, tapos iyong kalahati ibenta as Central Business District,” aniya.

“Actually ako may amended proposal, ‘yung kalahati gawing park, ‘yung kalahati hatiin sa dalawa: iyong una, gawing Ferdinand Marcos, Sr. business park. ‘Yung kalahati, gawing Ninoy Aquino business park para magcompete iyong mga negosyante rather than boycott, boycott,” dagdag ng senador.

Paniniwala ni Cayetano na mas maganda ang naturang ideya kaysa pagdebatehan kung papalitan o hindi ang pangalan ng paliparan.

“Tignan na lang natin kung saan sila pupunta roon sa dalawa, di ba?

Competition works, eh. Sa nag-aaway sa internet kung ire-rename o hindi, pareho naman naging part of our history, so double bashing ito mamaya, both sides,” aniya.

Maraming panawagan na ipangalan ang NAIA sa Ferdinand E. Marcos International Airport o balik sa dating Manila International Airport.

Ipinangalan ang NAIA sa dating senador at lider ng oposisyon na si Ninoy Aquino na pinaslang bago makababa ang airport nang bumalik sa bansa noong Augsut 21, 1983 na nagpasiklab sa malawakang protesta at people power revolution sa EDSA na nagpatalsik sa pamilya Marcos noong 1986.

Ikinatuwiran pa ni Cayetano na alinsunod ang kanyang panukalang Marcos at Aquino business parks sa adbokasiyang open, productive spaces para sa pamilya at kaibigan ng lahat.

“Having said that, I would just like to emphasize na, lupa ang pinag-uusapan rito, whether it is national or local government, ito ay pinakamura for DPWH kasi site development. It might be very therapeutic for DPWH kung stressful iyong high impact projects. Parks could be mabuti para sa atin,” paliwanag niya.

Sumang-ayon naman si Angara, hepe ng finance committee na dapat magkaroon ng mas maraming open space facilities peropara din sa sport activities habang pumabor din si Senador Imee Marcos na dapat bahagi ng polisiya ng DPWH ang green landscape.

Nagpsalamat naman si DPWH Secretary Manuel Bonoan sa mga senador sa pagsuporta sa kanilang paradigm shift. Ernie Reyes



Cayetano iminungkahing magtayo ng Marcos Sr., Ninoy Aquino business park sa NAIA
Source: Filipino Pinoys