TAPYAS-PRESYO SA BILIHIN; KASONG COVID-19 LALALA

MULA Enero hanggang sa unang linggo ng Nobyembre 2021, may P21 na katamtamang halaga ang naidagdag sa maraming pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo, kabilang na ang gasolina, diesel at gaas o kerosene.

Mula naman sa ikalawang linggo ng Nobyembre hanggang sa darating na Martes, aabot naman sa nasa P5 ang katamtamang halaga ng pagbaba ng presyo ng nasabing mga produkto.

Dahil sa matinding oil price hike sa mga naunang buwan, mga Bro, nagsitaasan ang presyo ng halos lahat ng bilihin at serbisyo gaya ng pagkain, materyales sa bahay, tubig, kuryente, pamasahe, service sa mga delivery at iba pa.

TAPYAS-PRESYO SA BILIHIN, SERBISYO

Ngayong may tapyas-presyo naman sa petrolyo kahit kapat lang sa kabuuang itinaas ng presyo, hindi ba nararapat lang na magkaroon din ng tapyas-presyo sa mga bilihin at serbisyo na nabanggit natin?

Sana ito ang isa sa mga silipin at igiit ng mga awtoridad para sa mga mamamayan na kauna-unahang biktima lagi ng pangyayari.

Alalahaning may halong pagsasamantala ang mga oil price hike at pagmamahal din ng presyo ng mga produkto at serbisyo lalo’t alam ng mga mapagsamantala na walang mamamayang may kakayahang magreklamo.

Kabilang sa panahon ng pagsasamantala ang mismong Kapaskuhan na ikinatataas ng lahat ng presyo sa pangangailangan ng tao para sa okasyon.

Dapat gawing responsibilidad ng mga awtoridad ang pagtatanggol sa mga mamamayan sa ganitong pamamayani ng pagsasamantala.

COVID-19 LALALA; BAKUNA, GAMOT MAHIHINA

Lahat ng pamahalaan umaamin na hindi mapipigilan ang pagkalat ng Omicron variant ng coronavirus disease-19 at isa sa mga pinakahuling bansa na umaming may kaso nang Omicron variant ang United States.

Nauna rito ang mga bansang South Africa, Botswana, Zimbabwe, Namibia, Lesotho, Eswatini, Mozambique at Malawi at sumunod ang The Netherlands, Sweden, Germany, Spain, Canada, Brazil, Australia, Hong Kong, Japan, Israel, Belgium, Czech Republic, Denmark, France, Portugal, United Kingdom, Nigeria

Ngayong lumitaw  ang Omicron variant, ngayon pa lang ay nagsasabi na ang may gawa ng gamot na Regeneron na maaaring hihina ang bisa nito dahil ibang-iba ang variant na ito sa target na virus ng gamot.

Maging ang mga gumagawa ng bakuna, kabilang na ang Pfizer at Moderna, umaming gumagawa na sila ng mga paraan na mapalakas at tutugma ang mga bakunang ito sa Omicron.

Ang Merck at Regeneron ay gamot sa mga tinatamaan ng nagkakasakit habang bakuna na Pfizer, Moderna, Sinovac, AstraZeneca, Sputnik V, Janssen at iba pa ay pamigil sa pagkakasakit.

MAGPABAKUNA

Dapat lahat ay sumali sa programa ng pamahalaan na pagbabakuna laban sa COVID-19 na pinalala at pinalawak pa ng Omicron variant.

Kahit sinasabing mahihina ang mga bakuna at gamot laban dito, pinakamainam pa rin na magpabakuna tayo lahat para mapigilan ang pagkalat ng pandemya at kung available ang mga nasabing gamot, uminom o magpaturok tayo at tigilan na ang pagiging pasaway sa pagsunod sa health protocols.



TAPYAS-PRESYO SA BILIHIN; KASONG COVID-19 LALALA
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento