Philippines news
SINO BA ANG KARAPAT-DAPAT MAGING PANGULO NG PILIPINAS?

MAHIGIT anim na buwan pa bago ganapin ang pambansang halalan sa taong 2022 pero ngayon pa lang ay mainit na ang takbo ng pulitika sa bansa dahil kahit hindi pa nagsisimula ang panahon ng pangangampanya, kanya-kanya nang ikot sa bawat sulok ng bansa ang mga presidential aspirant para ilatag ang kani-kanilang plataporma.
Kabilang na siyempre sa mga ito ang mga taong tinatawag na “taga sa panahon” sa larangan ng pulitika, tulad nina Sen. Ping Lacson, BongBong Marcos, Leni Robredo, Isko Moreno at ang dalawang hinog na rin sa takbo ng pulitika na sina Senators Manny Pacquiao at Bato Dela Rosa.
Kung tutuusin, mahaba pa naman ang panahon upang mabusisi at mapag-aralang mabuti ng mga Pilipino kung sino nga ba ang umiikot para mambola ng mga botante at sino ang nagsasabi ng tapat at bukal sa kalooban na siyang karapat-dapat na mamuno sa bansa na sa kasalukuyan ay nahaharap sa napakalaking pagkakautang at lugmok na ekonomiya dulot ng nararanasang pandemya na dahilan ng paglobo ng kahirapan.
Ano nga ba ang dapat ang maging basehan ng mga Pinoy upang makapili ng isang kandidato para naman kahit paano ay maibsan ang hirap na kanilang nararanasan? Para sa akin, dapat ay pumili tayo ng kandidato na kayang magparaya o isakripisyo ang kikitain ng gobyerno na ang kapalit naman ay kapakanan ng mas nakararaming Pilipino sa bansa.
Hindi maikakaila na sadyang malaki ang magiging bentahe ng isang kandidato kung siya ay magtatapyas ng buwis partikular na sa mga produktong petrolyo at sa kuryente dahil malaking tulong ito sa mga mamamayan na tiyak na magreresulta sa pagbaba ng presyo ng krudo.
Kung tutuusin, hindi lamang mga motorista ang makikinabang dito kundi buong sambayanan dahil siguradong bababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang uri ng produkto na magiging daan para bumilis ang takbo ng ekonomiya sanhi ng paggastos ng mga mamamayan na hindi tulad ngayon na tipid na tipid ang lahat dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin.
Sa naturan ding paraan, tiyak na magiging mababa ang singil sa konsumo ng kuryente na isang paraan upang mahikayat ang mga negosyante at dayuhang mamumuhunan na magtayo ng negosyo sa ating bansa na lilikha ng maraming trabaho para sa mga Pilipino.
Marami ang nagsasabi na mahirap mangyari ang panukalang pagtatapyas ng buwis sa produktong petrolyo at kuryente dahil magiging daan ito ng pagkawala ng P130 bilyong kita ng pamahalaan.
Pero tingnan natin kung puwede o hindi ang ganitong panukala kung ang pagbabatayan ay ang ilalaang P5 trilyong budget ng bansa sa loob ng isang taon.
Sa naturang budget, P800 bilyon ang ilalaang pambayad sa foreign at domestic loans o ‘yung pagkakautang ng bansa kaya’t ang matitira na lamang sa pondo ay P4.2 trilyon. Kung aalisin pa rin dito ang itatapyas sa buwis sa produktong petrolyo at kuryente na P130 bilyon, malinaw na may matitira pang P4.07 trilyon na malaki pa rin upang mapakinabangan ng mga Pilipino,, depende na lamang siyempre sa magiging Pangulo ng bansa kung paano niya ito gugugulin sa wastong paraan.
Isa pa sa nais ko na maging Pangulo ng bansa ay ang kandidato na nakikipag-usap sa mga pangkaraniwang tao upang hingin ang kanilang mungkahi o karaingan upang mabigyan ng solusyon sakaling maupo sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan. Hindi yung kandidato na lumalapit sa mga politiko upang makahanap ng kaalyado dahil tiyak na darating ang araw na ang hiningan nila ng suporta ang kanilang pagsisilbihan sa halip na ang mamamayang Pilipino.
Siyempre, mahalaga rin na may naipakitang pruweba at may ginawa na ang isang politiko noong siya ay nakaupo sa kanyang pwesto sa gobyerno lalo na sa panahong dumaranas ng hirap ang mamamayan dahil sa pandemya.
Sa ngayon, sadyang matalino na ang nakararaming botanteng Pilipino sa pagpili ng kanilang iluluklok sa pinakamataas na posisyon sa 2022 national election kaya’t alam na nila kung sino sa mga politiko ang tunay na may malasakit, mayroon ng nagawa at may isang salita sa halip na puro ngawa.
Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na jrreyes.0428@gmail.com o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.
SINO BA ANG KARAPAT-DAPAT MAGING PANGULO NG PILIPINAS?
Source: Filipino Pinoys
Philippines news
Pinoy Trending
politics
showbiz
SINO BA ANG KARAPAT-DAPAT MAGING PANGULO NG PILIPINAS?
sports
technology
trending Articles
viral post
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento