US at Canada, kinondena ng China sa pagpapadala ng warships sa Taiwan Strait

MANILA, Philippines – Kinondena ng Chinese military ang Estados Unidos at Canada dahil sa pagpapadala ng warship sa Taiwan Strait noong nakaraang linggo na umano’y pagbabanta sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Ang Taiwan ay inaaking teritoryo ng China kung saan noong nakaraang taon ay paulit-ulit itong nagsagawa ng air force mission sa air defense identification zone (ADIZ) ng nasabing bansa.

Simula Oktubre 1, nasa 159 aircraft ang ipinadala ng China sa zone sa loob ng apat na araw na nagpataas ng tensyon sa pagitan ng Beijing at Taipei na nagdulot ng pagkabahala sa buong mundo.

Ayon sa US military, naglayag sa makipot na daanang tubig na naghihiwalay sa Taiwan at China ang Arleigh Burke-class guided missile destroyer na USS Dewey kasama ang Canadian frigate HMCS Winnipeg noong Huwebes at Biyernes.

“Dewey’s and Winnipeg’s transit through the Taiwan Strait demonstrates the commitment of the United States and our allies and partners to a free and open Indo-Pacific,” dagdag nito.

Na-monitor naman ito ng Eastern Theatre Command ng People’s Liberation Army ng China at mahigpit na binantayan ang pagdaan ng mga barko.

“The United States and Canada colluded to provoke and stir up trouble… seriously jeopardizing peace and stability of the Taiwan Strait,” saad ng Chinese military.

“Taiwan is part of Chinese territory. Theatre forces always maintain a high level of alert and resolutely counter all threats and provocations,” giit pa nito.

Nabatid na buwan-buwang dumaraan sa Taiwan strait ang US Navy, na sa galit ng Beijing ay inakusahan nito ang Washington ng panghihimok ng tensyon sa rehiyon.

BUkod sa US, paminsan-minsan ay nagpapadala rin ng barko sa nasabing strait ang mga kaalyado nitong bansa gaya ng Britain.

Sa kabila ng tumataas na tensyon, wala namang nagaganap na barilan habang hindi pumapasok sa Taiwanese air space ang Chinese aircraft at nakatutok lamang sa kanilang aktibidad sa southwestern part ng ADIZ.

Samantala, ayon sa defense ministry ng Taiwan, nitong Linggo, tatlong Chinese aircraft –– dalawang J-16 fighters at isang anti-submarine aircraft –– ang lumipad muli sa ADIZ. RNT



US at Canada, kinondena ng China sa pagpapadala ng warships sa Taiwan Strait
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento