PAGSASAMANTALA SA ANTIGEN TEST BANTAYAN
PAGSASAMANTALA SA ANTIGEN TEST BANTAYAN

ILANG araw lang matapos sabihin ng Department of Health na tanging ang reverse transcription polymerase chain reaction o rt-pcr lang ang kinikilala nitong batayan ng pagdedeklara kung positibo o negatibo sa COVID-19 ang isang tao, heto na at nagbago ng isip nito.
Sa wakas kinikilala na rin nito ang iba pang paraan gaya ng antigen test.
Pero ngayon pa lang, mga Bro, magbantay-bantay na ang lahat sa posibleng pagsasamantala rito.
Itong antigen test, mga Bro, ay napakasimpleng paraan ng pag-alam ng kalagayan ng isang tao sa pagiging positibo o negatibo sa COVID-19.
May stick na gamit ito na siyang isasaksak sa ilong o bunganga ng tao at pagkatapos nito, ihahalo ang nakayod na bagay sa isang kemikal at sa loob lamang ng ilang segundo, lalabas na ang resulta.
May kasamang instruksyon ang mga antigen test sa pagsasagawa nito at madali lang na masundan ng mga ordinaryong mamamayan.
Pero para hindi masayang, tumatawag o nagtatanong sila sa mga may karanasan na sa paggamit nito.
At isinasagawa lang ang test na ito sa mga bahay-bahay.
NAPAKABISANG PARAAN
Bagama’t maaaring magkaroon din ng false positive o maling pagpopositibo sa COVID-19, sa karanasan ng mga ordinaryong mamamayan, mabisa ito.
Lalong pinaniniwalaan ang resulta rito sa mga pamilyang may mga miyembro na itinatakbo sa mga ospital dahil sa mga kasong severe at kritikal na nagreresulta sa matagal na pagkakaospital o kamatayan.
At marami na ang nakararanas nito.
Ito ang napipili ng mga ordinaryong mamamayan na paraan dahil higit na mura ito kung ikukumpara sa presyo ng rt-pcr na isinasagawa sa mga laboratoryo o ospital.
Napakabigat nga naman sa bulsa ang presyo ng rt-pcr na isinasagawa ng mga pribado at pampublikong ahensya, laboratoryo ospital.
Sa pampublikong test center, naglalaro sa P2,450-P2,800 at P2,940-P3,360 naman sa pribadong test center.
Ang antigen test ay katamtamang mabili sa halagang P500 bawat kit ngunit umaabot ng nasa P1,000 sa mga malalayong lalawigan mula sa Metro Manila.
KAUGNAY NG LGU
May sinasabi nga lang ang DOH.
Malinaw na kung gagamit ng antigen test, dapat na nakaugnay ito sa mga local government unit gaya ng mga barangay, munisipyo, siyudad o lalawigan.
Parang lumalabas na ang mga health center ng mga ito ang dapat na gumawa ng mga antigen test para magkaroon na rin ng tamang rekord na kanilang isusumite sa DOH
Kailangan na kasing isama ang mga resulta ng antigen test sa mga testing na ginagawa ng pambansang pamahalaan.
Kaya nga, isang katanungan ang pagsasama o hindi ang mga test na isinasagawa sa mga tahanan.
Sa ibang salita, mga Bro, kikilalanin ba ng mga LGU at ng DOH sa huli ang pagsasagawa ng test sa mga tahanan at ang resulta nito ay maging bahagi ng pambansang rekord?
DAPAT MAY KONTROL
Sakaling ang mga isasagawa lang ng mga LGU health center ang kikilalanin, maaaring dahil sa pagtiyak na tama ang pagsasagawa ng test at tiyak ang kalidad ng gagamiting antigen kit.
Posible kasing may mga peke na mabili ang mga ordinaryong mamamayan o kaya’y mali ang proseso kaya naman magiging mali ang resulta ng test.
Malaking posibilidad ito dahil maaaring maglipana ang mga antigen test kit na peke o kung genuine naman ay hindi sapat ang mga bumubuong kemikal nito para sa tamang resulta.
Kaya mula ngayon, dapat na mag-ingat na ang mga mamamayan.
Maaaring magkaroon na rin ng mga overpricing dahil sa pagkilala ng DOH sa antigen test.
At kung mangyari ito, magiging mabigat na ring pasanin ito ng mga mamamayan.
Kasama sa mga mabibigatan ang mga tao o organisasyong gustong-gustong tumulong sa mga mamamayan at bumibili ng antigen test para libreng mapamahagi at magamit ng mga mamamayan, gaya ng ginagawa ng Lions Clubs International.
Kaugnay nito, dapat na ring mag-isyu ang DOH ng patakaran sa presyo upang maiwasan ang overpricing.
SENTRO NG SURIAN NASAAN?
Maganda na ring magtayo ang DOH ng mga surian ng mga antigen test para malaman kung peke o genuine ang mga mabibili.
Pinakamaganda kung itatayo ang mga ito sa mga barangay health center para hindi na gagastos ang mga tao nang mahal sa pagpapasuri sa malalayong lugar.
At pinakamaganda ring libre ang pagsusuri na isasagawa ng mga may alam dito.
Baka naman magiging dagdag na gastos lang ito na papasanin ng mga mamamayan.
At napakasamang isipin na sa huli, magiging konti na lang ang diperensya ng halaga ng antigen testing kumpara s art-pcr o saliva testing.
PAGSASAMANTALA SA ANTIGEN TEST BANTAYAN
Source: Filipino Pinoys
PAGSASAMANTALA SA ANTIGEN TEST BANTAYAN
Philippines news
Pinoy Trending
politics
showbiz
sports
technology
trending Articles
viral post
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento