Yellow ribbon isasabit sa kabahayang may COVID sa Pateros

MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng bagong panuntunan ng munisipalidad ng Pateros na napapailalim sa General Community Quarantine Alert Levels System at ipinatupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) ay sisimulang lagyan ng ribbon na dilaw ang mga bahay ng may nagpositibo sa coronavirus disease (COVID-19).

Ito ang sinabi ni Pateros Mayor Miguel “Ike” Ponce III na umamin na kahit ang ilang miyembro ng kanyang pamilya ay nagpositibo na rin sa COVID-19.

Sinabi ni Ponce na para masiguro ang kaligtasan at mas madaling malaman na may kaso ng COVID-19 ang isang bahay ay maglalagay sila ng palatandaan o tag dahil kahit sa panahon ngayon ay hindi na dapat ikahiya ang mahawahan nito dahil ultimo ang kanyang pamilya ang nagpositibo na din sa virus.

Ayon kay Ponce, kapag napatunayan na may nagpositibo sa COVID-19 kahit isa lamang na indibidwal sa isang bahay ay palalagyan  niya ang naturang kabahayan ng dilaw na ribbon at wala nang ibang taong makalalabas sa bahay na iyon.

Ang naturang bahay ng may nagpositibong indibidwal ay isasailalim sa 14-araw na lockdown pati na rin ang mga bahay ng mga taong naging close contact ng nagpositibong indibidwal.

Binalaan din ni Ponce Ponce ang mga residente na ang mga bahay ay nakapailalim sa lockdown na huwag nang lumabas ng bahay at sundin ang mga panuntunan na inilatag ng munisipalidad.

Ipinaliwanag din ni Ponce na kung ang isang indibidwal na nagpositibo sa COVID-ay natuklasan na may Delta variant, ang kanyang mga naging close contact ay agad na ilalagay sa quarantine at isasailalim sa test sa loob ng limang araw.

Kahit ano pa man ang maging resulta ng isasagawang test sa isang nagpositibo sa virus ay kailangan pa rin nitong kumpletuhin ang 14-araw na quarantine.

Sinabi din ni Ponce na ang mga lugar na isasailalim sa granular lockdown sa munisipalidad ay makararanas ng mahigpit na restriksyon kung saan walang papayagang lumabas ng bahay sa loob ng 14 na araw maliban na lamang sa mga health workers, mga paalis na overseas Filipino worker (OFWs) at ang mga emergency cases.

Ang lahat ng business establishments sa lugar kung saan nasasakop ito ng granular lockdown ay pansamantalang isasara dahil ang nasasakupan ng granular lockdown ay ang pagpapatupad nito sa isang bahay, kalsada, sitio o buong barangay. James I. Catapusan



Yellow ribbon isasabit sa kabahayang may COVID sa Pateros
Source: Filipino Pinoys

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento