MANILA, Philippines – Tuloy ang paglalakbay ni Filipino basketball legend Jimmy Alapag papuntang NBA matapos pumirma ng kontrata bilang assistant coach sa G-League ng Stockton Kings na konektado sa Sacramento.
Matapos ang matagumpay na ikalawang paglahok nito bilang assistant coach ng nagkampeong Sacramento sa 2021 Summer League, magsisilbi ngayon ang 43-year-old mentor bilang deputy ni Stockton head coach Bobby Jackson, ang 13-year NBA veteran point guard na naglaro ng halos kalahati ng kanyang career sa Sacramento.
Makakasama ni Alapag sa team ang kapwa nito assistant na si Akachi Okugo, habang ang dating Sacramento at Los Angeles Lakers video coordinator Will Scott ang associate head coach na nasa likod ni Jackson.
Bago ang kanyang pangalawang paglahok sa Sacramento’s Summer League team, gumugol muna ang six-time PBA champion ng isang season bilang assistant coach ng San Miguel Beermen noong 2019 kung saan nagwagi ito ng dalawang championship pero bigong masungkit ang mailap na Grand Slam.
Mula 2017, nagsilbi itong head coach ng San Miguel Alab Pilipinas sa ASEAN Basketball League (ABL), at nanalo ng kanyang unang titulo noong 2018 sa team sa pangunguna nina superstar trio — Justin Brownlee, Renaldo Balkman, at Ray Parks Jr.
Simula noon ay namalagi na sa United States si Alapag kasama ang kanyang pamilya bunsod na rin ng COVID-19 pandemic.JC
Mag-post ng isang Komento
0 Mga Komento