2 tirador ng motorsiklo, timbog

BULACAN – Arestado ang dalawang binata na kumarnap ng motorsiklo ng kapit-bahay ng isa dito sa ikinasang follow up operation ng pulisya sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ng pulisya ang dalawang naarestong suspek na sina Prince Raymond Angeles, 34 at Meljohn Llabres,26 habang ang biktima ay itago sa pangalang Jeric, 25, kapwa mga binata at residente ng Brgy. Muzon

Sa report ni SJDM chief of police PLTCOL. Julius Alvaro kay Bulacan Police director PCOL. Lawrence Cajipe, nangyari ang insidente bandang 4:00 ng hapon nitong Huwebes, Agosto 26 sa parking lot ng isang tindahan sa Sitio Partida ng naturang lugar.

Ayon sa imbestigasyon, puwersahang kinuha ng mga suspek ang motorsiklong may plaka na IA8285 ni Jeric na mabilis na tumakas sa direksyon ng Gov. F. Halili Road.

Dahil dito, agad nagreport ang biktima sa kalapit na PCP3 station kaya agad nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa pangunguna ng team leader na si PLT. Romeo Española.

Lingid sa kaalaman ng isa sa suspek na namukhaan siya ng biktima dahil magka-barangay sila kaya agad nahuli sa follow up operation ng pulisya.

Sinasabing sangkot ang dalawa sa modus na karnap, katay at benta ng mga nakaw na motorsiklo sa lalawigang ito subalit pumalpak sila sa kanilang huling biktima.

Nakuha sa operasyon ang isang Honda Alpha motorcycle habang nahaharap sa kaukulang kaso ang mga suspek. Dick Mirasol III


Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento